Ni: PNA
INIHAYAG ni Health Secretary Francisco Duque III na bukas ang kanyang kagawaran sa ideya ng “reconfiguring” ng napakalaking drug rehabilitation center sa Nueva Ecija.
“’Yung malalaking drug rehab centers should probably be reconfigured so they can provide services for the more difficult cases of drug addiction,” sinabi ni Duque sa mga mamamahayag sa isang panayam nitong Miyerkules.
Sinabi ng kalihim na hindi kinakailangang ipasara ang malaking drug rehab center dahil lamang itinuturing itong “mistake” ng ilang sektor.
“Let’s just try to make the most out of it,” aniya, at sinabing kailangang magkatulungan ang malalaking rehab center at ang maliliit na nakabase sa mga komunidad.
Gayunman, sang-ayon siya sa sinabi ni dating Dangerous Drugs Board (DDB) Chairman Dionisio Santiago na kailangang magtayo ng maliliit na rehab center sa mga komunidad.
“The community-based services are also good since they will need family support, community support and they are more targeted,” ani Duque.
Una nang inihayag ni Santiago na ang pagkakaroon ng malaking earlier drug rehabilitation facility ay “impractical” at isang “mistake”, at ang pondo para sa pasilidad sa Nueva Ecija ay maaaring gamitin upang pondohan ang mga community-based rehabilitation program para sa 150 hanggang 200 katao.
Ang 1.4-bilyong Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija, ay binuksan may isang taon na ang nakalilipas makaraang ipatayo ng bilyonaryong pilantropong Chinese na si Huang Rulun, sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa hiwalay na panayam nitong Lunes, inilahad ng dating kalihim ng Department of Health, si Dr. Paulyn Ubial, na kapag nasimulan na nila ang pakikipagtalakayan hinggil sa rehab center kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency, DDB, at Department of Interior and Local Government ay nakikinita nila na kayang maokupahan ang hanggang 2,000 kama sa pasilidad.
‘Pero nung nag-present ang donor na it can accommodate 10,000, hindi naman natin tinanggihan, kasi nga nagdo-donate sila. Right now, it is operating on a 500-bed capacity and if needed, puwede i-increase up to 1,000 beds. ‘Yung ibang facilities naman, may paggagamitan naman. I think there are talks to convert them into training centers, to use for outpatient care,” paliwanag ni Ubial.