Ni: Nitz Miralles
SABI nina Bianca Umali at Miguel Tanfelix nang makausap sa presscon ng Barbi, D Wonder Beki, sa November 27 na ang pilot airing ng bago nilang teleserye sa GMA-7 na may working title na Santa Santita. Pero may nabalitaan kami na baka mabago ang pilot airing ng show depende sa kalalabasan ng pilot episode.
Ang maganda, hintayin na lang natin ang announcement ng network tungkol sa exact date ng airing ng bagong primetime show ng BiGuel love team at in-assure ng dalawa ang kanilang fans na hindi sila madi-disappoint.
“Heavy drama at may kasamang supernatural element, pero malayo sa Haplos. Na-overwhelmed kami sa cast na sa story conference lang namin sila nakita. Nakaka-pressure, kailangang galingan namin ni Miguel para hindi kami mapag-iwanan at makasabay kami sa kanila, nakakanerbiyos,” wika ni Bianca.
Sino ba naman ang hindi kakabahan kung ang makakatrabaho mo ay sina Christopher de Leon, Jean Garcia, Carmina Villarroel, Alfred Vargas, Marvin Agustin at Ms. Gloria Romero. Ang director nilang si Don Michael Perez ay kilalang isa sa mahusay na director ng GMA-7 at naging director ng BiGuel sa Mulawin vs. Ravena, kaya kahit paano, alam na nina Bianca at Miguel kung paano magtrabaho.
Samantala, tama lang na “introducing” ang billing nina Miguel at Bianca sa Barbi, D Wonder Beki dahil first movie nila ito ngayong binata’t dalaga na sila. Masaya ang dalawa na subukang pelikula naman ang gawin at makasama ang magagaling na komedyante ng bansa kabilang sina Joey de Leon, Joey Marquez, Benjie Paras at makatrabaho si Paolo Ballesteros. Sa November 29, ang showing nito.