NAGSAGAWA ng opinion survey ang Pew Research Center sa mamamayan ng Japan, South Korea, Vietnam, at Pilipinas, ang apat na bansa na — kasama ng China — ay bibisitahin ni United States President Donald Trump sa East Asia ngayong linggo.
Ayon sa survey, 69 na porsiyento ng mga Pilipino ang nagpahayag ng tiwala kay Trump — ang pinakamataas na antas ng kumpiyansa na naitala sa lahat ng bansang sinarbey. Kasunod ng mga Pilipino ang mga Vietnamese — nasa 58 porsiyento — na malaki ang tiwala kay Trump. Ang mga Japanese ay nakapagtala ng 24 na porsiyento, habang 17 porsiyento naman ang mga South Korean. Sa buong mundo, ang median score sa maraming bansang sinarbey ay nakapagtala ng kabuuang 22 porsiyentong kumpiyansa kay Trump.
May dalawang pangunahing layunin ang pagbisita ng presidente ng Amerika. Ang una ay ang himukin ang iba’t ibang bansa sa Asya, partikular ang China, na kumbinsihin ang North Korea na bawiin ang paulit-ulit nitong pagbabanta na magpapakawala ng nuclear missile sa Pasipiko patumbok sa Amerika. Ang isa pa niyang layunin ay ang hikayatin ang China na pahintulutan ang mas balanseng kalakalan sa pagitan nito at ng kanyang bansa, na ngayon ay higit na nakapanig sa China.
Subalit ang problema sa North Korea ang pangunahing problema ng Amerika ngayon at nais ni Trump na magpasaklolo kay Chinese President Xi Jinping. Ang China ang pangunahing kaalyado ng North Korea sa kasalukuyan, at kumpara sa ibang mga bansa, nasa paborableng posisyon ito upang kumbinsihin si Kim Jong Un ng North Korea na bawiin ang mga nukleyar nitong bansa sa Amerika.
Ang paglilibot ni Trump sa Amerika ay katatampukan ng pagbisita niya sa Japan, China, at Vietnam. Sa Maynila magtatapos ang kanyang biyahe sa pagdalo niya sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) East Asia Summit sa Nobyembre 13-14. Tiyak nang magiging mainit ang pagsalubong sa kanya sa Maynila, hindi lamang ni Pangulong Duterte at ng iba pang opisyal sa Pilipinas, kung pagbabatayan na rin ang resulta ng survey ng Pew.
Sa ASEAN East Asia Summit ay magkakaroon siya ng pinakamainam na oportunidad upang makakuha ng tulong at suporta mula sa ASEAN at sa iba pang bansa sa East Asia kaugnay ng diplomatiko niyang pagsisikap na matuldukan na ang paulit-ulit na pagbabanta ng North Korea. Dapat niyang maunawaan na hindi mapipigilan si Kim Jong Un ng mga ganting banta niya ng “total destruction”, gaya ng dati na niyang ginawa. Ang pinag-isang pagpupursigeng diplomatiko ng maraming bansang ASEAN at East Asian, partikular na ang China, ang higit na magbibigay ng solusyon sa problema.
Posibleng sa Maynila masumpungan ni President Trump ang hinahangad niyang solusyong pangkapayapaan. Kaakibat nito ang pag-asam ng buong mundo na naliligalig sa posibilidad ng trahedyang nukleyar.