Ni BETH D. CAMIA at AARON RECUENCO
PUNO ng emosyon ang pamilya ni Isabel Granada sa naging pagsalubong sa pagdating ng mga labi ng aktres mula Doha, Qatar sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon.
Bandang alas-10:00 ng umaga dumating ang mga labi ng aktres kasama ang kanyang partner na si Arnel Cowley, lulan ng flight Philippine Airlines PR 685.
Emosyonal namang sumalubong sa cargo warehouse ang kanyang dating mister na si Angeles City Councilor Jericho Aguas at ang kanilang 14-year-old son na si Hubert.
Binigyan ng military honors ng Philippine Air Force (PAF) si Isabel pagdating ng Pilipinas ng kanyang mga labi.
Paliwanag ni Lt. Col. Marciano Guevara, napabilang ang aktres sa regular force noong 2001.
Sa isang pahayag, sinabi ng PAF leadership na nagsagawa sila ng full military honor para kay Isabel dahil sa kanyang pagiging active at reservist sa military unit.
“The Philippine Air Force would like to express its profound sorrow and heartfelt condolences to the bereaved families and loved ones of Filipina celebrity and PAF reservist, Ms. Isabel Granada,” lahad ng PAF sa pahayag.
“During this time of mourning, we, the men and women of the PAF, share the sense of grief and great loss of Ms Granada and we wish to pay tribute to this great woman who has achieved so much in her life,” dagdag pa nito.
Napag-alaman na si Isabel ay kinuha ng PAF noong 2001 sa pamamagitan ng Direct Enlistment Program, at naglaro siya ng volleyball para sa Air Force team.
Mula sa pagiging Airwoman, na-promote siya bilang Airwoman Second Class.
Ilang taon ding naging aktibong miyembro ng PAF si Isabel, nakalista bilang personnel na bahagi ng PAF Women’s Volleyball team at naging reservist kalaunan.
“She continued her support by willingly performing, hosting, and lending her celebrity status to draw crowd in PAF events. Her proper demeanor, both as a celebrity and an aviation enthusiast, also contributed to the PAF’s public image by virtue of her reservist status, which she had proudly admitted,” lahad ng opisyal ng PAF.
Nagpunta sa Qatar si Granda para sa imbitasyon na maging special guest speaker sa Philippine Trade and Tourism conference. Sa kanyang pamamalagi roon, nagreklamo siya ng pananakit ng ulo at kalaunan ay nawalan ito ng malay dulot ng ilang multiple cardiac arrest at brain aneurysm.
Na-comatose siya hanggang sa siya ay pumanaw, sa edad na 41, isang linggo matapos siyang isugod sa ospital.
Dumating ang kanyang bangkay kahapon, at nababalutan ng bandila ng Pilipinas ang kanyang kabaong.
“To show our final respect to Ms. Granada, we will extend a funeral honor and service for her remains as PAF’s way of demonstrating its concern for the welfare of its personnel.”
Pribado muna kahapon ang burol para sa aktres kaya tanging ang kanyang pamilya, mga kaanak at malalapit na kaibigan muna ang nakasilip sa kanyang mga labi.
Ngayong araw itinakda ang public viewing simula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon sa Santuario de San Jose Parish, East Greenhills, Mandaluyong.
Kabilang sa mga sikat na pelikula niya ang Magic to Love (1989), Lessons in Love (1990) at Ligaya ang Itawag Mo sa Akin (1997). Ang huling project niya sa telebisyon ay ang katatapos pa lamang na A Love To Last.