Ni: Gilbert Espena
NASIKWAT ni National University (NU) top player Vince Angelo Omal Medina ang overall title sa katatapos na 2nd Mayor Jojo Palma at Atty.Titing Albano Rapid Open Chess Tournament sa Aim Coop Heroes Hall sa Aurora, Zamboanga del Sur.
Si Medina na ipinagmamalaki ng Cabuyao, Laguna kung saan kasama sa listahan ng kanyang tagumpay ang Shell National Youth Active Chess, ang Palarong Pambansa at Asean Age group tourney ay nakaungos kontra kay Jaime Joshua Frias II ng Cagayan de Oro City sa huling laro para makopo ang P30,000 top prize plus at elegant trophy.
Nakakolekta siya ng 8.0 puntos sa dalawang araw na torneo na inorganisa ng Municipality ng Aurora ZDS at Knights of the Square Table Mind Chess na idinaos kasabay ng selebrasyon ng kapistahan ng Badak sa Zamboanga del Sur na nilahukan ng 138 participants mula Luzon, Visayas at Mindanao.
Nakakuha ng tig-7.5 puntos sina Fide Master David Elorta ng San Andres Bukid, Manila at Henry Roger Lopez ng Panabo City.
Nakihati ng puntos si Elorta kontra kay NM Rustum Tolentino ng Cagayan de Oro City habang pinayuko naman ni Lopez si Jason Salubre ng Panabo City.
Si Elorta na ipinagmamalaki ng Guadalupe Chess Club, Makati ay nakatanggap ng P20,000 matapos ang runner-up finish via superior quotient kay third place Lopez, ang PARA games gold medallist na nakapag-uwi naman ng P10,000.
Nakatangap din ang dalawa ng elegant trophy.
Nanguna naman si Grandmaster Darwin Laylo ng San Roque, Marikina sa kanyang 7.0 puntos na kinabibilangan nina NM Rustum Tolentino at NM Levi Mercado ng Cagayan de Oro City, NM Joey Albert Florendo ng Zamboanga City, Alfredo Rapanot Jr. at Christopher Randolph Dalauta ng Cagayan de Oro City.
Sa iba pang kaganapan, panalo si GM Laylo kay Joel Antonio Fernan ng Cebu, winalis ni NM Mercado si Reynaldo Gempero Jr. ng Davao City, nakaungos si NM Florendo kay FM Narquingden Reyes ng Rodriguez, Rizal, namayani si Rapanot Jr. kay FM Victor Llutch ng Iligan City habang ginulat ni Dalauta si NM Raymond Salcedo ng Zamboanga City.
Nakatanggap naman ng parangal si National Chess Federation of the Philippines (NCFP) director Atty. Cliburn Anthony A. Orbe na nagwagi ng well-dressed award.
Nirendahan ni tournament Director Wilhelm Joey D. Ardiente ang nasabing torneo na kaagapay sina Fide arbiter Lorenzo P. Cuizon Jr. at Ruben C. Cabading.