Ni: Fer Taboy
Bineberipika ng militar ang mga ulat na nagre-recruit ang mga tagasuporta ng Maute-ISIS ng mga bagong mandirigmang terorista sa mga bayang nakapaligid sa Lake Lanao sa Lanao del Sur at Lanao Del Norte.
Ito ang naging pahayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Joint Task Force Ranao Deputy Commander Col. Romeo Brawner, kaugnay ng posibilidad ng pagganti ng Maute-ISIS reinforcements mula sa labas ng Marawi City.
Partikular na tinukoy ni Brawner ang grupo na pinamumunuan ng isang Abu Dar, na na-monitor ng militar na aktibong nagre-recruit ng mga bagong mandirigma.
Batay, aniya, sa impormasyon na nakuha ng militar sa mga nahuling terorista, P30,000 ang alok sa mga sasali at may ipinangako pang karagdagang halaga kapag naging miyembro na.
Gayunman, nilinaw ni Brawner na bineberipika pa nila ang nasabing impormasyon.
Aniya, tinitiyak ng militar na hindi na makare-regroup ang Maute-ISIS at makapaghahasik muli ng kaguluhan sa Marawi City at sa iba pang lugar sa rehiyon.
Binalaan din ni Brawner ang mga nag-iisip na sumapi sa teroristang grupo na huwag magpasilaw sa alok na pera dahil siguradong kamatayan lang ang naghihintay sa kanila, gaya ng sinapit ng mahigit 900 teroristang Maute na napatay sa Marawi.