Ni: Genalyn D. Kabiling

DA NANG, Vietnam — Handa ang Pilipinas na maging punong abala ng isang pandaigdigang pagtitipon sa proteksiyon ng mga karapatang pantao, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes.

Binabatikos sa kanyang madugong kampanya kontra droga, nagpanukala ang Pangulo ng “world summit on human rights” na mag-iimbestiga rin sa mga paglabag sa karapatang pantao ibang bansa, hindi lamang sa Pilipinas.

“Let’s have a summit of how we can protect the human rights for all human race,” sinabi ni Duterte sa isang press conference matapos makipagpulong sa mga Filipino community Huwebes ng gabi sa Da Nang, Vietnam.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Iginiit ng Pangulo na dapat imbestigahan ang lahat ng human rights violations na nagawa ng mga gobyerno.

Nagreklamo si Duterte sa imbestigasyon na nakatuon lamang sa mga diumano’y pang-aabuso sa karapatan ng kanyang gobyerno, sinabing ang ibang bansa gaya ng United States ay nakagawa rin ng mga pagkakamali. Sinabi niya na ang kanyang diumano’y mga paglabag sa karapatang pantao ay “just a small list” kumpara sa mga pang-aabuso na nagawa ng ibang western nations.

“Let us investigate all violations of human rights committed by all governments. I said, just because it happened 40 years ago, it happened 100 years ago. When it was wrong then, it is definitely still wrong now,” aniya.

“Bakit pag-usapan natin ‘yung Pilipinas? What makes the death of people in the Philippines more important than the rest of the children in the world that were massacred and killed. ‘Di ba? So we should call a summit and I can, I will volunteer to make the Philippines the venue,” dagdag niya.

Sinabi rin ng Pangulo na balak niyang imbitahin si UN special rapporteur Agnes Callamard at tatanungin kung bakit masyado itong nakatutok sa drug war sa Pilipinas sa kabila ng maraming kaso ng karahasan sa ibang panig ng mundo.

“I would call first Callamard. I have not heard you comment on the so many killings, the victims of bombs and of violence there in the Middle East,” aniya.

“Why are you so fascinated with drugs? And you also should take note that there are plenty of Americans who died because of drugs,” dagdag niya.

Bago ang panayam sa media, nagbanta ang Pangulo na sasampalin si Callamard kapag inimbestigahan nito ang mga diumano’y summary killings na iniugnay sa kanyang giyera kontra droga.

“Sabi ko, p**** i*ang ito! Kaya sabi ko kay Callamard, ‘kung imbestigahin mo ako, sampalin kita,” ani Duterte.

Naniniwala ang Pangulo na hindi siya magkakaroon ng patas na pagdinig sa UN envoy. “How can I get a fair hearing, if you yourself does not even read the publications of your mother organizations, the United Nations, under it, is the Human Rights Commission,” aniya.