Ni Argyll Cyrus B. Geducos
Muling ipinagdiinan ni Pangulong Duterte na hindi na siya makikialam sa kampanya kontra droga—ang pangunahing ipinangako niya noong nangangampanya na nagpanalo sa kanya sa panguluhan.
Nananatiling sensitibo ang Pangulo sa isyu matapos niyang aminin na nasaktan siya sa naging pahayag ni dating Dangerous Drugs Board (DDB) Chairman Dionisio Santiago na isang pagkakamali ang mega-drug rehabilitation facility sa Nueva Ecija.
Ayon kay Duterte, nasorpresa siya na patuloy siyang pinupuna ng kanyang mga kritiko kahit pa sinabi niyang hindi na siya makikialam sa drug war makaraang ipaubaya na niya ang responsibilidad sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
“Now umiwas na ako [sa isyu] and I am really very surprised that they are still harping on me when, as a matter of fact, I have distanced myself from the PDEA. It is now the PDEA,” ani Duterte.
Noong nakaraang buwan, ipinaubaya ni Duterte sa PDEA ang kampanya kontra droga, at inalis ito sa pangangasiwa ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at ng iba pang ahensiya.
Inamin ni Duterte na ito ay upang wala nang masabi ang kanyang mga kritiko na bumabatikos sa drug war, dahil sa umano’y pagkakasangkot ng PNP sa sinasabing extrajudicial killings at human rights violations.
Una nang nagpahayag ng pag-aalinlangan ang Pangulo sa kakayahan ng PDEA na pamunuan ang drug war, sinabing kulang ito sa tauhan.
“If it works very well, then I am ready to accept. Just like in Marawi and other police and military operations upon my orders, I take full legal responsibility. Period,” ani Duterte. “You can sue me and I will be glad to go to prison.”