Ni: Chito A. Chavez
Ipinasara ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Angkas, na gumagamit ng motorsiklo sa paghahatid ng mga pasahero, pagkatapos ng joint operation kahapon na nauwi sa pagkakahuli sa 19 na Angkas motorcycle rider na bumibiyahe nang walang mga kaukulang permit.
“Considered as closed na already,” sinabi kahapon ng LTFRB spokesperson na si Atty. Aileen Lizada.
Ipinakita rin ng LTFRB ang mga dokumento ng apprehension notice mula sa Makati Business Permits Office (BPO) para sa mga bumibiyahe nang walang mayor’s permit.
Sa Makati BPO apprehension order na may petsang Nobyembre 9, binibigyan ng tatlong araw ang Angkas upang magpaliwanag kung bakit dapat silang magpatuloy sa biyahe.
Gayunpaman, ang Angkas mobile application ay patuloy pa ring umaandar at tumatanggap ng mga pasahero sa kabila ng kautusan.
Kahit nagpaliwanag ang riders na hindi nila alam na ilegal ang kanilang serbisyo, kinumpiska pa rin ng joint task group ang kanilang mga lisensiya at in-impound ang kanilang mga motorsiklo.