Ni NONOY E. LACSON
ZAMBOANGA CITY – Anim na sundalo ang napatay at apat na iba pa ang nasugatan, habang hindi tukoy na bilang ng mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang napaslang at nasugatan din sa apat na oras na engkuwentro sa Sumisip, Basilan nitong Miyerkules ng tanghali.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Commander Lt. Gen. Carlito G. Galvez, Jr., nagsagawa ng strike operation ang mga tauhan ng 18th Infantry Battalion laban sa Abu Sayyaf sa Barangay Upper Cabengbeng, Sumisip, bandang 12:41 ng tanghali.
Dahil dito, anim na sundalo ang napatay at apat na iba pa ang nasugatan sa pakikipagbakbakan sa grupong pinamumunuan nina Siar Alhamsirol at Parong Tedi.
Ilang miyembro rin ng Abu Sayyaf ang napatay at nasugatan, ayon kay Galvez.
“We are sad to report the death of six of your soldiers during the encounter on Wednesday in Basilan. Their cadavers were subsequently transported by the Joint Task Force Basilan to Zamboanga City. Two remains were claimed by the next of kin,” sabi ni Galvez. “As we mourn, combat operations against the bandits will be intensified with our intelligence operations and sustained campaign to defeat the remaining terrorists.”
Kaagad na dinala sa headquarters ng 64th Infantry Battalion ang mga sugatang sundalo bago isinugod sa Camp Navarro General Hospital at sa isang pribadong ospital sa Zamboanga City.