Ni BEN R. ROSARIO, May ulat ni Nestor L. Abrematea

Hiniling kahapon ng isang committee chairman ng Kamara sa National Housing Authority (NHA) na gawing zero ang mahigit 190,000 backlog sa pabahay para sa mga sinalanta ng bagyong ‘Yolanda’ sa paggunita sa susunod na taon sa ikalimang anibersaryo ng trahedyang idinulot ng pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan.

Yolanda mass grave_Abrematea copy

Ginunita kahapon ang ikaapat na taon ng pananalasa ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas, na ikinasawi ng mahigit 6,000 katao, noong Nobyembre 8, 2013.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Nanawagan din si Negros Occidental Rep. Alfredo “Albee” Benitez ng mabilisang paglalabas ng pondo para sa Typhoon Yolanda Housing Project, batay sa kalalabas na 2016 Annual Financial Report (AFR) for Government -Owned and -Controlled Corporations ng Commission on Audit (CoA), na kinabibilangan ng NHA.

“Next year, the fifth anniversary of Yolanda should be observed with all homeless victims being made to experience the comforts of having their own homes,” sabi ni Benitez.

Ayon kay Benitez, una nang nagpahayag ng pagkadismaya ang CoA sa kabiguan ng NHA at ng iba pang ahensiya ng gobyerno, na nangangasiwa sa pabahay para sa mga nasalanta ng Yolanda, na mabigyan ng mga relocation site ang mga nawalan ng tirahan dahil sa bagyo.

“After the target three year period for providing homeless families with a roof over their heads lapsed last year, only half of the target houses were completed. I find this fact sickening,” sabi pa ni Benitez.

Batay sa 2016 AFR ng CoA, sinabi ni Benitez na 49.84 na porsiyento lamang, o 190,413 sa target na 382,082 housing unit ang nakumpleto ng NHA noong 2016.

Dagdag pa ni Benitez na sa kabuuang bilang ng mga bahay na nakumpleto at naipamahagi na sa mga benepisyaryo nito, tanging 76,004 pa lamang ang may nakatira.

Una nang nangako ang kongresista na papanagutin ang mga opisyal ng pamahalaan at mga pribadong contractor na responsable sa pagkakabimbin ng mga pabahay, gayundin sa substandard na kalidad ng mga ito.

Samantala, para sa ikaapat na anibersaryo ng Yolanda ay pinangunahan kahapon ni Palo Archbishop John F. Du ang pagbabasbas ng mga pari sa mass grave site sa Holy Cross Memorial Garden kung saan nakalibing ang nasa 3,000 walang pagkakakilanlan na nasawi sa bagyo.

Nagdaos din ng mga misa sa mga simbahan sa Leyte at Samar para sa mga namatay sa pananalasa ng Yolanda.