NI: Reggee Bonoan

NAIKUWENTO sa amin ni Christian Bables sa launching ng CityMall Cinema sa Sta. Rosa, Nueva Ecija nitong Nobyembre 3 kung sino ang crush niyang aktres sa ABS-CBN ngayong kasama na siya sa teleseryeng Love Will Lead You Back mula sa RSB unit.

Christian 1 copy copy

“Si Julia Montes po, isa sa crush ko, pero malaking artista po, eh, hindi ko kayang (manligaw),” saad ng aktor.

Human-Interest

Anak na napahagulgol sa regalong bagong panty ng Mama niya, kinaantigan

‘Naku, lagot ka kay Panday,’ biro namin kay Christian.

“Opo, lagot ako kay Panday,” natawang pagsang-ayon niya.

Anyway, inamin ni Christian na plano niyang ligawan ang isang aktres na nakatrabaho niya sa pelikula na ayaw pa niyang banggitin.

“Nasa getting to know stage pa lang kami at nagustuhan ko talaga na mapagmahal sa family,” pagtatapat ng aktor.

Nagsimula ang komunikasyon nila ng aktres nu’ng, “nag-hi ako sa kanya sa Twitter, o alam n’yo na,” natawang sabi ng binata.

Mas bata kay Christian ang aktres, at kung magkakaigihan sila ay unang pagkakataon sa kanya dahil karamihan ng ex-girlfriends niya ay mas matanda sa kanya.

Nababaitan si Christian sa aktres at agad naming sinabing, ‘halos lahat naman ng tao ay mabait.’

“Hindi lahat mabait, lalo na ngayong nakatuntong na ako sa industriya natin, dami kong nakitang (ugali) na, ‘ah okay, ganito pala sa totoong buhay.’”

Nagustuhan din ng binata ang mababait ding magulang ng dalaga na nakilala na niya.

Samantala, naitanong namin kung wala na ba siyang planong gumanap na bading sa pelikula o teleserye dahil sa Love Will Lead You Back ay lalaki siya at nagpapatubo ng balbas at bigote.

“Wala naman po sa akin ‘yun, ang akin hangga’t natsa-challenge ako, okay sa akin ‘yun. At saka sobrang lapit sa puso ko ni Barbs kasi ‘yung Barbs ang gumawa sa akin,” sagot niya.

Oo nga, hindi pa rin nakakawala si Christian sa karakter niyang si Barbs sa Die Beautiful.

“Gusto kong magpasalamat kasi ibig sabihin, tumatak sa kanila si Barbs, sobra kaya. Hindi po ako apektado kapag naririnig ko ang mga ganu’n sa mga tao, natutuwa ako kasi alam ko sa sarili ko na kahit papaano, may nagawa akong tama doon sa pagganap ko as Barbs.

“And siguro sa ibang karakter ko pang gagawin makikita nila kung ano pa ang kaya kong gawin,” sabi pa ng aktor.

‘Are you gay?’ diretso naming tanong kay Christian.

“Hindi, hindi, ha, ha, ha. Hindi pa naman,” tumatawang sagot sa amin ng aktor.

‘Bakit may hindi pa naman?’

“Kasi malay natin sa reincarnation ko maging gay ako. I don’t see any problem with that of being gay or lesbian. Kaya isa sa dahilan kung bakit naengganyo akong gampanan si Barbs kasi gusto kong maputol ‘yung stigma na kapag bakla ka o tomboy ka parang off-guard sa ‘yo ‘yung mga tao. That’s not right, di ba? Eh, ano ngayon kung bakla ka, ano ngayon kung tomboy ka, di ba?” paliwanag ng binata.

Natawa kami sa sinabi ni Christian na, “Ang last (GF) ko, bago ipalabas ‘yung Die Beautiful.”

Pinanood kaya ng ex-girflriend ni Christian ang Die Beautiful?

“I’m sure napanood niya ‘yun, ‘buti nga sa kanya, ha-ha-ha, hindi, joke lang. Hindi kami nag-end ng maganda, eh,” say ng aktor.