Ni NORA CALDERON
PAALIS ngayong araw ang mag-asawang Christopher de Leon at Sandy Andolong papuntang Japan para suportahan ang anak na si Mariel de Leon sa Miss International beauty pageant sa Tokyo, Japan.
Sa Tuesday, November 14 gaganapin ang grand coronation night.
Nakausap namin si Boyet sa pocket interview para sa bagong primetime drama series ng GMA-7. Nauna na ng ilang araw si Mariel sa Japan at madalas kumontak sa kanila sa pamamagitan ng Facetime.
“Alam namin ni Sandy kung gaano kahirap ang pinagdadaanan nila roon sa paghahanda nila sa pageant,” sabi ni Bro. Bo.
“Kahit sabihin mong masaya at excited sila roon, alam mong three to four hours lang silang nakakatulog. Kahit mahusay nang mag-make-up si Mariel, hindi rin biro iyong magtanggal nito at maghanda ng mga isusuot nila the following day.
Mabuti na lang bago sila umalis sa hotel nagbi-breakfast muna sila.”
Pero nakikita raw ni Boyet na masaya si Mariel at mahal nito ang Japan. Nagbiro nga raw ito na gusto nang mag-stay roon.
Siya man daw ay gusto rin ang Japan, pero Pilipinas talaga ang tahanan niya.
Hindi pa sure si Boyet kung kailan sila makababalik ni Sandy.
“What if manalo,” nagbibirong sabi niya, “siyempre hindi namin basta maiiwanan doon si Mariel.”
Pero bago umalis, nakailang taping days muna si Boyet ng mga eksena niya sa new drama series na ginagawa nila.
May-ari ng hospital ang kanyang role, anak niya si Marvin Agustin at apo niya si Miguel Tanfelix.
“Hindi pa lang ako p’wedeng magdetalye ng tungkol sa serye namin, pero masaya ako dahil ang laki ng cast namin at masaya ako na nakasama ko muli si Ms. Gloria Romero, then narito rin si Congressman Alfred Vargas, Carmina Villarroel, Jean Garcia at si Bianca Umali naman ang katambal ni Miguel.”
May sinimulan din daw siyang teleserye sa ABS-CBN with Robin Padilla and Jodi Santamaria, pero tumigil ang taping nila na hindi niya alam kung kailan magri-resume. Iyon daw ang mahirap kung minsan, magsisimula ang isang project at pagkatapos ay hihinto, kaaawa-awa raw ang mga artista at production staff na natetengga. Kaya nagpapasalamat siya na may bagong offer na serye ang GMA-7.
Bago natapos ang usapan namin, humingi ng suporta si Boyet sa mga kababayan natin: “Humihingi po ako ng inyong suporta at dasal para kay Mariel, para magkaroon po tayo ng isa pang Miss International. Salamat po.”