Ni: Tara Yap at Fer Taboy

ILOILO CITY – Patay ang tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA) makatapos nilang makasagupaan ang ilang sundalo sa bayan ng Cuartero sa Capiz.

Ayon kay Lt. Col. Sisenando Magbalot, Jr., commander ng 61st Infantry Battalion (61 IB) ng Philippine Army, natagpuan kahapon ng mga sundalo ang mga bangkay ng tatlong rebelde.

Martes ng tanghali nang sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng dalawang squad ng 61 IB at ng NPA sa Sitio Badiangon, Barangay Puti-an, Cuartero.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Batay sa report ni Col. Magbalot, nakatanggap sila ng impormasyon na may namataang mga armadong rebelde sa nasabing barangay hanggang makasagupa ng militar ang nasa 15 rebelde.

Tumagal ng isang oras ang bakbakan.

Hindi pa inilalabas ng Army ang pangalan ng mga nasabing rebelde dahil nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya.

Narekober sa lugar ng engkuwentro ang dalawang matataas na kalibre ng baril.