Ni MARY ANN SANTIAGO
Kalaboso ang isang security guard nang pagnakawan ng P100 barya ang isang basurero habang ito ay himbing sa kanyang kariton sa Sampaloc, Maynila kamakalawa.
Kasong theft ang kakaharapin ni Rizaldy Sesma, 36, security guard at residente ng Barangay Sungay Easte, Tagaytay City, matapos ireklamo ni Jose Cañita, 69, ng Trese Martires City, Cavite.
Sa reklamo ni Cañita sa tanggapan ng Manila Police District-(MPD)-Station 4, ninakawan siya ni Sesma habang siya ay natutulog sa kariton, na nakaparada sa gilid ng Legarda Street sa Sampaloc, dakong 11:55 ng gabi.
Nagulat na lamang umano ang biktima nang maramdamang may kumukuha ng kanyang wallet mula sa kanyang kamay.
“Natutulog ako tapos may naramdaman akong may kumuha ng barya ko sa kamay,” kuwento ng biktima.
Ayon naman kay Enrique Conception, kagawad ng Bgy. 420, Zone 43, nakita niya si Sesma na umaaligid sa kariton ni Cañita kaya kinausap niya ito at tinanong kung ano ang nasa kamay nito.
Dito na niya nakita ang pitaka ng biktima na naglalaman ng P100 barya na inipon sa pangangalakal ng bote at yero.
Halos maiyak naman ang biktima dahil sa kabila ng kanyang kalagayan sa buhay ay siya pa ang naisip biktimahin ng suspek.
Todo-tanggi naman si Sesma sa alegasyon, ngunit desidido si Cañita na sampahan siya ng kaso.