Ni: Manny Villar

SA susunod na linggo ay idaraos sa Pilipinas ang ika-31 ASEAN Summit, ang pagpupulong tuwing dalawang taon ng mga pinuno ng 10 bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Ang ating bansa ang tagapangulo sa taong ito, na siya ring ika-50 anibersaryo ng asosasyon na itinatag noong 1967.

Ito rin ang ikalawang pagtitipon ng mga pinuno ng ASEAN na isinasagawa sa Pilipinas sa taong ito. Ang una ay ang ika-30 ASEAN Summit na pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Abril.

Sa pagpupulong sa susunod na linggo, pag-uusapan ng mga bansang kaanib sa ASEAN ang kalakalan, seguridad at kalikasan sa rehiyon, at maging ang pag-aagawan sa teritoryo sa South China Sea.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Mahalaga na magkaisa ang mga pinuno ng ASEAN sa pagharap sa mga hamon na kinakaharap ng rehiyon. Ilan sa mga ito ang terorismo, kaunlaran ng ekonomiya, karapatan ng mga manggagawang migrante, kalikasan at hindi pantay na kinikita.

Ang prinsipyong ito ay nakabaon na sa ASEAN mula pa nang ito ay maitatag. Ipinaliwanag ng Bangkok Declaration na dapat makilala ang pagkakaroon ng parehong interes at problema ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya at ang pangangailangan na dapat palakasin ang kanilang pagkakaisa at kooperasyon. Namamalagi ang prinsipyong ito pagkaraan ng 50 taon.

Ang Pilipinas ay bahagi ng orihinal na pagtatatag ng ASEAN, kasama ang Indonesia, Malaysia, Singapore, at Thailand.

Umanib sa grupo ang Brunei noong 1984, ang Vietnam noong 1995, ang Laos at Myanmar noong 1997 at ang Cambodia noong 1999.

Layunin ng asosasyon, batay sa Bangkok Declaration, na isulong ang mga layunin ng ASEAN, gaya ng pagpapabilis ng paglago ng ekonomiya, at kaunlaran sa lipunan at kultura sa rehiyon sa pamamagitan ng sama-samang paggawa upang mapalakas ang pundasyon para sa isang masagana at mapayapang komunidad ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya.

Sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo, kailangan ding harapin ng ASEAN ang mga hamong dala ng pagbabago sa daigdig.

Halimbawa, ang isyu ng integrasyon ng ASEAN ay kasabay ng globalisasyon at rehiyonalismo sa daigdig. Ang pagkalas ng United Kingdom sa European Union at ang pagbaling ng paningin ng Estados Unidos sa interes na panloob ay tila magkataliwas na pananaw sa daigdig.

Ang pangungulo ng Pilipinas sa ika-31 ASEAN Summit ay nataon din sa pagtataguyod ng kalayaan ng Pilipinas sa pandaigdig na komunidad ng mga... bansa. Sa ilalim ni Pangulong Duterte, nakuha natin ang paggalang ng ibang bansa.

Mula sa polisiya ng takot, ang ating polisiyang panlabas ngayon ay polisiya ng pagkakapantay-pantay. Itinataguyod natin ang sarili nating prinsipyo at interes kahit na ito ay taliwas sa kagustuhan ng mga makapangyarihang bansa. Ito ang naging gabay natin sa relasyon natin sa China, Hapon, Russia, at Estados Unidos.

Asahan natin na ang pagtatagumpay ng ika-31 ASEAN Summit sa pagsusulong sa integrasyon sa rehiyon, sa kooperasyong pang-kabuhayan at pang-seguridad, kalakalan, at kapayapaan. Angkop na angkop ang tema ng pangungulo natin sa ASEAN: “Partnering for Change, Engaging the World.”

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)