Nina ROMMEL P. TABBAD at JEFFREY G. DAMICOG
Iimbestigahan na ng Office of the Ombudsman ang pagpuslit ng P6.4 bilyong shabu sa bansa mula China.
Inilabas ni Ombudsman Conchita Caprio-Morales ng Office Order No. 765 na nag-uutos sa isang special panel ng fact-finding investigators na mag-imbestiga sa usapin.
Kapag napatunayan na nagkasala ang ilang tauhan ng Bureau of Customs (BOC), maaari pa ring managot ang mga ito kahit karamihan sa kanila ay nagbitiw na sa tungkulin.
Samantala, inaasahang tatapusin ng Department of Justice (DOJ) ngayong araw (Nobyembre 8) ang preliminary investigation nito sa criminal complaints na inihain laban sa mga sangkot sa P6.4 bilyon illegal drugs shipment.
Nakatakdang maghain sina dating Customs commissioner Nicanor Faeldon at mga kapwa niya akusado ng kani-kanilang rejoinders sa kaso.
Dahil hindi inaasahang hilingin na sumagot ang complainants sa rejoinders, ang panel of prosecutors na nagsasagawa ng preliminary investigation ay dapat ideklara ang kaso na submitted for resolution.
Nagsagawa ang DOJ ng preliminary investigation kaugnay sa kasong kriminal na inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) laban kay Faeldon at iba pang respondent.
Inaakusahan ang mga respondent ng drug importation at coddling of drug traffickers bilang paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Bukod kay Faeldon, kabilang sa mga kasalukuyan at dating opisyal at tauhan ng Bureau of Customs (BOC) na pinangalanang respondents ay kinabibilangan nina directors Milo Maestrecampo at Neil Anthony Estrella; intelligence officers Joel Pinawin at Oliver Valiente; Manila International Container Port district collector Atty. Vincent Phillip Maronilla; nobya ni Faeldon na si Atty. Jeline Maree Magsuci; at BOC employees na sina Alexandra Ventura, Randolph Cabansag, Dennis Maniego, Dennis Cabildo at John Edillor.
Respondents din ang facilitators ng shipment, na sina Mark Taguba II, Teejay Marcellana, Chen Ju Long, Chen Rong Juan, Manny Li, Kenneth Dong, Eirene May Tatad, Emily Dee, Chen I-Min at Jhu Ming Jyun.
Isinama rin sa respondents ang mga opisyal ng Hong Fei Logistics Inc., na nagmamay-ari ng bodega kung saan nasamsam ang drug shipment, na sina Genelita Arayan, Dennis Nocom, Zhang Hong, Rene Palle, Richard Rebistual at Mary Rose Dela Cruz.
Nasamsam ng pinagsanib na operatiba ng BOC, PDEA, at NBI ang 604 kilo ng methamphetamine hydrochloride o shabu noong Mayo 26 sa kanilang raid sa bodega ng Hongfei Logostics sa Valenzuela City.
Nakapasok ang shabu shipment sa bansa sa pamamagitan ng BOC matapos itong ideklara bilang kitchenware, footwear at moldings.