Ni: Dave M. Veridiano, E.E.
ISANG araw, pauwi na ako galing sa pakikipagkuwentuhan sa kaibigang intel-operative sa Imus, Cavite nang matrapik ako sa Coastal Road, sa Parañaque City. Walang galawan ang mga sasakyan, kaya para ‘di mainip ay inilipat ko sa FM ang istasyon ng aking radyo at nakinig ng tugtugan. Todo ang volume at siyempre, ang musika ko – mga “great music of the 70s!”
Sa sobrang trapik, marami akong nasabayang kanta. Ang tumimo sa aking isipan ay ang IF at Baby I’m A Want You ng Bread -- na habang tinutugtog ay napangiti ako sa matamis na alaalang dulot nito sa akin sa gitna ng trapik.
Theme song kasi namin ito ni Aymi, ang dati kong GF, seatmate sa block 11, sa kursong Associate in Arts sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), kasama-sama sa pamamasyal sa Luneta “kahit na walang pera”, at higit sa lahat – INA ng apat kong anak at LOLA ng limang apo!
Sa kalagitnaan ng kanta, sa bahaging -- “If the world will stop revolving spinning slowly down to die, I’ll spend the end with you…” -- may gumuhit sa aking balintataw nang mabasa ko ang street sign na Bgy San Dionisio…Alam kong hindi magkakamali ang aking pakiramdam sa oras na iyon habang nata-trapik. Parang ganito rin ang pakiramdam ko noon, eksaktong 45 taon na ang nakararaan, habang kasama ko si Aymi sa lugar ding ito, nang ipagdiwang namin ang aming first anniversary (‘di pa uso noon ang monthsary) bilang magkasintahan!
Sa gitna ng nakasisilaw na tail light ng mga nakahintong sasakyan sa Coastal Road, mabilis na nag-flashback sa akin ang masasayang oras namin sa mismong lugar na ito, na noong Dekada ‘70 ay mahabang hilera ng tatlong malaking beach resort na nasa bukana ng Manila Bay – ang El Faro Beach, Jale Beach, at Aroma Beach – na sakop ng Munisipalidad ng Parañaque na noon ay bahagi ng lalawigan ng Rizal.
Ang napakagandang lugar at tanawing ito sa dulo ng Roxas Boulevard ay na-“reclaimed” o wika ng tagaroon ay tinabunan, upang magbigay-daan sa tinatawag ngayon na Coastal Road, isang highway na nagpaluwag sa trapik sa Quirino Avenue, tanging national road noon na patungo sa Cavite City at Tagaytay.
Sikat ang Aroma Beach Resort noon dahil sa madalas ditong may nagsu-shooting ng pelikulang Pilipino, kaya dito namin ipinasiyang mag-date…Ang ilan pang dahilan ay ang pagiging malapit nito sa Maynila at ang pagmamalaking narinig ko sa ilang nakatatanda kong barkada na - “Paraisong pasyalan ng mga magsyota ang mga resort sa San Dionisio, Parañaque!”
Paraisong maituturing ang mga beach resort dito, lalo na ang Aroma na ang kabuuang lugar ay puno ng mga maliliit na bahay kubo. Ang paborito ko - mahabang andamyo na abot hanggang gitna ng tabing dagat. Sa kaliwang bahagi nito ay nakahilera ang bahay kubo na nakatayo sa tubigan at nakaharap sa Kanluran. ... Dito namin pinagsaluhan ni Aymi ang pagkain na inihanda ng kanyang Mommy… At ‘wag ipagtaka ang pagpayag nito sa lakad na iyon. Ang cover story kasi -- may OUTING ang freshman sa PLM kaya nagpasobra pa si Mommy ng baon!
Habang magkasuyo naming minamasdan ang paglubog ng araw, humaplos sa aming mukha ang simoy ng hangin na wari ko’y bumubulong: “Mula sa araw na ito - Nobyembre 8, 1972 – ay magsasama kayong magkasi hanggang sa inyong takipsilim!”
Magkasunod na busina mula sa mga sasakyan sa may likuran ng aking van ang bumasag sa pagkakamalikmata ko… “Go” na pala at kailangan nang umarangkada!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]