NILINAW ng bagong tagapagsalita ng Pangulo na si Harry Roque ang usapin sa “extra-judicial killings” (EJKs) nang sabihin niya sa isang panayam ng radyo nitong Linggo na posibleng mayroong mga insidente ng EJK at mga paglabag sa karapatang pantao sa bansa. Subalit dapat na may ebidensiya ang bawat isa sa mga ito, aniya.
Isang pasulong na hakbang ito mula sa iginigiit ng Philippine National Police (PNP) na “officially” ay “no case” ng extra-judicial killing sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Duterte, at binigyang-diin ang kahulugang nakasaad sa isang lumang executive order na ipinalabas ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III na ang EJK ay pagpatay na isinagawa ng mga puwersa ng estado at ng hindi mula sa estado “to silence, through violence and intimidation, legitimate dissent and opposition raised by members of civil society, cause-oriented groups, political movements, people’s and non-government organizations, and by ordinary citizens.”
Kinikilala ng PNP na may 3,850 hinihinalang sangkot sa droga ang napatay sa mga operasyon ng pulisya kontra droga at nasa 2,290 ang napaslang sa motibong may kinalaman sa ilegal na droga, karamihan ay hindi natukoy ang salarin.
Kabilang sa mga ito ang 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos na napatay ng mga pulis-Caloocan na nagsabing nanlaban ang binatilyo gayung sa mga kuha ng CCTV camera ay nakitang nasa kustodiya at kontrolado na siya ng mga pulis.
Pinanindigan din ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang lumang kahulugan na ito ng EJK at sinabing hindi iimbestigahan ng Inter-Agency Committee on EJKs ang mga pagpatay sa mga drug suspect sa nakalipas na mga buwan.
Iginiit din ni dating Presidential Spokesman Ernesto Abella na nasasaklaw ang gobyerno ng partikular na kahulugang ito. Gayunman, tiniyak niyang anuman ang kahulugang legal, titiyakin ng pamahalaan na mananagot ang mga may sala at nanawagan na lumantad ang mga testigo at ang iba pang indibiduwal na may hawak na ebidensiya.
Nitong Linggo, sinabi ng bagong tagapagsalita ng Pangulo na si Roque na alinsunod sa tinaguriang Minnesota Protocol ng United Nations, ang lahat ng pamamaslang na ginawa nang hindi sumailalim sa paglilitis o proseso ay itinuturing na extra-judicial killings. Isa itong positibong hakbangin para sa gobyerno. Kahit pa hindi ipasisiyasat ni Secretary Aguiree ang libu-libong kaso ng pagpatay sa mga drug raid ng pulisya sa Inter-Agency Committee on EJKs, umaasa tayong mismong ang gobyerno na ang mag-iimbestiga sa usapin.
Ito ay dahil itinatakda ng Minnesota Protocol ang imbestigasyon sa lahat ng “potentially unlawful death, primarily including deaths caused by acts of omissions of the state, its organs, or agents; deaths occurring when a person is detained by or is in custody of the state or its agents; and death where the state may have failed to meet its obligations to protect life.”
Subalit dapat na may ebidensiya bago ituring na EJK nga ang isang kaso, ayon kay Roque. Siyempre pa, kailangang may patunay. “If there is evidence that they violated the law and committed murder, they need to be tried,” dagdag niya.
“But if it’s true that the person fought back, then we need to acknowledge the police. Because there are really cases where the drug suspects fought back.”
Matatagalan pa bago masimulan ang pagsisiyasat sa libu-libong pagpatay na nakatala na sa pulisya. Sa ngayon, mahalagang mayroon nang opisyal na pagsisikap na mabusisi ang mga ito sa posibilidad ng extra-judicial killings, sa halip na ang unang paninindigan na walang kahit isa man na kaso ng EJK sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.