Ni: Aaron Recuenco
Nasa kabuuang 125 katao ang napatay ng riding-in-tandem sa loob ng kalahating buwan, at sinabi ng Philippine National Police (PNP) na robbery ang pangunahing motibo.
Base sa datos ng PNP mula sa Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM), ang 125 katao na ibinulagta ng riding-in-tandem ay kabilang sa 363 naitala simula Oktubre 10 hanggang Nobyembre 5.
At ang mga natirang biktima ay hindi nasaktan.
“The data also revealed of the total number of incidents, 15 incidents are already cleared by the authority, 45 incidents are considered as solved, and 267 incidents are underway for further investigations,” sabi ni Director Augusto Marquez, Jr., hepe ng DIDM.
Matatandaang nagsimulang mangalap ng datos ang PNP tungkol sa tinawag nitong pag-atake ng motorcycle-riding suspects (MRS) noong Oktubre 10 makaraang alisin dito ang pangangasiwa sa drug war.
Sinabi ni Marquez na aabot sa 64 na motorcycle-riding suspect ang inaresto ng awtoridad habang 380 pa ang kasalukuyang tinutugis.
Nilinaw din ng awtoridad na sa kabuuang bilang ng insidente, 10 lamang ang may kinalaman sa droga.
Base sa report, naitala ang pinakamaraming kaso ng MRS sa Metro Manila, 49; habang ang CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) ay may 37 kaso, at sa Central Luzon at sa Central Mindanao ay may 12, 34 at 32 kaso, ayon sa pagkakasunod.