Ni: Mina Navarro
Nasabat ng Bureau of Customs (BoC) ang P75-milyon halaga ng 18 mamahaling sasakyan sa Port of Manila bunga ng maling deklarasyon at mababang halaga ng binayaran nitong buwis, na tiyak na ikakalugi umano ng gobyerno.
Nasa 12 container van ang binuksan kahapon ng BoC sa harap ni Customs Commissioner Isidro Lapeña kung saan nakalagay ang mga luxury vehicle.
Ayon kay Lapeña, galing sa Hong Kong, United Arab Emirates, at Amerika ang 12 Toyota Land Cruiser, tatlong Range Rover, dalawang Chevrolet Camaro, at isang McLaren.
Ang mga undervalued na sasakyan ay naka-consign sa Gamma Ray Marketing, at isang Roy Lasdoce naman ang broker.
Sinabi ni Lapeña na nawalan sana ng nasa P75 milyon ang gobyerno kung nakalusot ang 18 sasakyan.
Nagkakahalaga, aniya, ng P4.9 milyon ang bawat Land Cruiser, ngunit P1.8 milyon lamang ang halaga nito na idineklara ng consignee.
Idineklara naman ng consignee na P1.5 milyon ang P8.5-milyon na Range Rover; P1.1 milyon ang P4.1-milyon na Camaro; at P4.3 milyon ang P14.8-milyon na McLaren.