Ni CHITO CHAVEZ
Aabot sa P10 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska kahapon ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula sa isang condominium unit malapit sa Solano gate ng Malacañang, kasunod ng buy-bust operation na isinagawa laban sa anak ng tinaguriang “drug queen”.

Inaresto ng mga operatiba ng PDEA si Diana Yu-Uy, residente sa sinalakay na condominium unit, kung saan nasamsam ang dalawang kilo ng shabu na nasa anim na plastic bag.
Ang suspek ay anak ni Yuklai Yu, tinaguriang “drug queen” na kasalukuyang nakapiit sa Correctional Institution For Women (CIW), ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Chief Aaron Aquino.
Sinabi ni Aquino na ginagamit ng 72-anyos na si Yuklai ang anak nitong babae, si Uy, upang mag-supply ng ilegal na droga sa loob ng CIW at sa iba pang lugar.
Labingsiyam na taon nang nakapiit si Yuklai sa CIW.
Nauna rito, sinabi ni PDEA Spokesperson Derrick Arnold Carreon na nagsagawa ng surprise inspection ang mga taga-PDEA sa CIW at nakakumpiska ang mga operatiba ng dalawang cell phone at P2-milyon halaga ng shabu.
Kabilang sa mga nakumpiska pang kontrabando ang ilang pakete ng shabu na nadiskubre sa loob ng pantyliner sa selda ni Yuklai.
Iginiit naman ni Uy na inosente siya at isa siyang lehitimong rice dealer.
Inakusahan din niya ang mga tauhan ng PDEA ng pagtatanim umano ng mga ebidensiya sa loob ng kanyang condo unit, na mariin namang itinanggi ni Aquino.
Ibinunyag pa ni Aquino na nag-alok umano si Uy ng P5-milyon suhol kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso laban dito.