NI: Ric Valmonte
NAHAHARAP sa kasong paglabag sa Section 4, Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002 si dating Bureau of Customs (BoC) Commissioner Nicanor Faeldon. Drug Trafficking ang kasong ito na isinampa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na dininig ng panel of prosecutors ng Department of Justice (DoJ). Bunga ito ng paglusot sa BoC ng P6.4-billion shabu shipment na humantong sa isang warehouse sa Valenzuela City.
Kasama ni Faeldon na idinemanda ng PDEA sina Milo Maestrecampo, Neil Anthony Estrella, Joel Pinawin, Oliver Valiente at ang mga shipment brokers, importers at consignees kasama ang whistleblower na si Mark Taguba. Ang mga ito daw ay nagsabwatan sa pag-angkat ng ilegal na droga, sa drug trafficking, corruption at obstruction of justice.
Ayon kay Faeldon at sa mga opisyal ng BoC na kasama niya sa kaso, hearsay ang ebidensiya laban sa kanila. Inatake nila ang merito ng kaso at bisa ng ebidensiya laban sa kanila. Ang hearsay evidence, sabi naman ng PDEA, ay puwedeng tanggapin sa preliminary investigation ng kaso batay sa desisyon ng Korte Suprema. Ang pagtimbang sa ebidensiya at pagtalakay sa merito ng kaso ay ginagawa, aniya, sa panahon na ng paglilitis.
Ang mahalaga kay Faeldon, sa kanyang bentahe, ay may ebidensiya siya at ang DoJ ang dumidinig ng kaso. Sa preliminary investigation, may kalayaang magpasya ang dumidinig sa kaso. Kahit sino sa nagtutunggaling partido ay maaari niyang kilingan depende lang kung paano niya ipaliliwanag ito. May desisyon man ang Korte Suprema sa isang isyu, nasa kanya na ito kung gagamitin ito o babalewalain. Basta maganda lang ang argumento.
Timgnan ninyo ang nangyari kay Supt. Marvin Marcos at sa kanyang mga kasamang pulis na nagsagawa ng operasyon na ikinasawi ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Sr. Dininig din ng Senado ang kasong ito at ang rekomendasyon ng Senate Committee on Public Order and Drugs ni Sen. Ping Lacson ay sampahan ng murder sina Marcos, et. al. Bakit nga ba hindi, eh, ginawa ang operasyon sa gabi sa loob ng provincial jail na kinapipiitan ng alkalde? Parang mga tupa na inipon sa isang sulok ang mga jail guard na nagtatanod sa piitan. Ang mga CCTV camera sa lugar ay inalis bago pinasok ng mga pulis ang kinalalagyan ni Mayor at dito siya pinatay dahil siya umano ay nanlaban. Unang sinampahan ng murder ng DoJ sina Marcos, et. al., pero nang mag-file sila ng motion for reconsideration, ibinaba ang kaso sa homicide.
Wala akong nakikitang dahilan upang malagay sa alanganin ang kapakanan ni Faeldon at ng mga kapwa niya BoC official.
Naging tapat siya sa mga nakatataas sa kanya na sangkot din sa kaso dahil hinayaan niyang bumagsak sa kanyang balikat ang lahat ng paratang sa nangyaring shabu shipment. Matapat niyang itinago ang higit na dapat managot sa kasong ito.
Kaya, walang dahilan para ipagkait sa kanya ang magandang trato na ibinigay sa mga pulis na nakapatay sa alkalde.
Mapalad siya kaysa kina Bureau of Immigration Assistant Commissioner Al Argosino at Michael Robles na nakasuhan ng plunder dahil ang Ombudsman ang humatol sa kanila gayong kung tutuusin wala namang pagkakaiba ang kanilang naging kalagayan: hindi nila ipinahamak ang talagang utak ng anomalya.