Ni LIEZLE BASA IÑIGO, ulat ni Fer Taboy

Sumasailalim sa monitoring ang tatlong barangay sa bayan ng Sta. Ana sa Cagayan at isa pang barangay sa Lasam makaraang isang lalaki ang malibing nang buhay at nasa 10 bahay at daan-daang pamilya ang naapektuhan ng landslide sa lalawigan, dulot ng tuluy-tuloy na pag-ulan.

Ayon kay Bonifacio Cuarteros, ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), na nagpapatuloy ang clearing operation sa tulong ng lokal na pamahalaan, ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Region 2, at ng pulisya ng Sta. Ana at Lasam kaugnay ng pagguho ng lupa sa 10 bahay.

Kinumpirma naman ni Chief Insp. Saturnino Soriano, hepe ng Sta. Ana Police, na isang lalaki ang nasawi nang malibing nang buhay kahapon ng umaga, bagamat hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng biktima habang isinusulat ang balitang ito.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

“Nahirapan pa kami na mag-clearing dahil posible pa ang landslides, at patuloy pa ang pag ulan sa mga barangay ng San Vicente, Rapuri at Tangastan sa Sta. Ana,” sinabi ni Chief Insp. Soriano sa panayam ng Balita.

Sinabi naman ni Cuarteros na nasa walong bayan sa Cagayan ang nakalubog ngayon sa baha, at dahil patuloy na tumataas ang tubig ay inaasahang madadagdagan pa ang mga apektadong bayan.

Batay sa datos kahapon, may kabuuang 27 barangay, at 1,076 na pamilya na ang apektado ng ulan at baha.

Siniguro naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakahanda ang relief goods para sa evacuees.

Kasabay nito, itinaas na rin ang alerto sa Buntun Bridge Gauging Station, nang umabot na sa 9.91 metro ang water level, na higit sa itinakdang 9-meter alarm level.