Nina AARON B. RECUENCO at FRANCIS T. WAKEFIELD

Ang Malaysian terrorist na si Amin Baco ang pumalit sa napatay na Abu Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon bilang bagong emir ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS)-Southeast Asia.

Ito ang ibinunyag ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa, batay sa impormasyong ibinigay sa pulisya ng Indonesian na miyembro ng Maute na si Muhammad Syahputra, na inaresto sa Marawi City noong nakaraang linggo habang nagtatangkang tumakas mula sa main battle area.

“Amin Baco is not only the leader of the remaining stragglers in Marawi City but also for the Southeast Asia because Isnilon Hapilon was the former emir and now he asssumed the position of Hapilon as emir of the Southeast Asia ISIS,” paliwanag ni dela Rosa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi naman ni Deputy Director General Fernando Mendez, deputy chief for operations ng PNP, na matagal na nagkasama sina Baco at Zulkifli bin Hir, alyas “Marwan”, hanggang sa mapatay ang huli sa kontrobersiyal na Mamasapano Massacre noong 2015.

“He is one of the longest-staying foreign terror fighters in the Philippines. He was with Marwan for a long time so he is one of the experienced foreign fighters in the Philippines,” sabi ni Mendez. “So this maybe the reason why when isnilon Hapilon was killed, he was chosen or elected as replacement.”

Kasama ni Hapilon na napatay nitong Oktubre 16 ang isa sa mga lider ng Maute Group na si Omar Maute, na sumalakay at nagtangkang kumubkob sa Marawi noong Mayo 23.

Samantala, kasabay ng pagkumpirma kahapon ng militar na 12 pang Maute straggler ang napatay sa bakbakan sa main battle area nitong Linggo, lumutang naman ang posibilidad na kabilang si Baco sa 12 teroristang napaslang.

Naniniwala si Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) chief Lt. Gen. Carlito Galvez Jr., na isa sa mga huling napatay na terorista sa Marawi ang bagong emir ng ISIS.

“Ang nakita ko si Amin Baco. He is now inside the main battle area and yesterday the ground commanders have reported to me that there are body counts there in the areas where they are hiding. And we believe that hopefully isa si Amin Baco, at saka ‘yung Mahalam, the Indonesian and the son of Isnilon na natitira, si Abdullah Hapilon. ‘Yun ang pinakahinahanap natin,” sabi ni Galvez.

Upang makatiyak na patay na si Baco, sinabi ni Galvez na isasailalim nila sa DNA testing ang bangkay ng mga napatay na straggler.

Idinagdag naman ni Col. Romeo Brawner, deputy commander ng Joint Task Force Ranao, na kabilang din sa mga napatay ang pinsan ni Omar na si Ibrahim Maute, alyas “Abu Jamil”.