NAPAULAT kamakailan na inihayag ng Singapore na lilimitahan nito ang mga pribadong sasakyan sa mga kalsada habang pinag-iibayo ang sistema ng pampublikong transportasyon nito. Mayroong mahigit 600,000 pribadong sasakyan sa Singapore batay sa tala sa pagtatapos ng 2016. Nagawang maiwasan ng city-state, na may populasyong aabot sa 5.6 na milyon, na maiwasan ang pagsisikip ng trapiko na matagal nang pinoproblema ng iba pang siyudad sa Asya at sa bago nitong plano, inaasahang makokontrol nito ang trapiko.
Ang naging desisyon ng Singapore ay nagpapaalala sa atin ng sariling problema sa trapiko ng Metro Manila at ng pangangailangang alamin sa ating mga opisyal kung anu-ano na ang mga nagawa nila sa nakalipas na mga buwan para resolbahin ang problema. Labimpitong buwan na ang administrasyon ni Pangulong Duterte na nangakong sosolusyunan ang problema sa oras na bigyan na siya ng Kongreso ng kinakailangan niyang emergency powers.
Higit na malaking siyudad ang Metro Manila kumpara sa Singapore, kaya hindi nakapagtatakang malaking problema ang trapiko rito. Papalo sa 12.8 milyon ang tinatayang populasyon ng Metro Manila. Ang populasyon nito ay sinasabing mas malaki kaysa Mumbai sa India, Paris sa France, at Tokyo sa Japan.
Umaabot sa 15 milyon ang populasyon sa Metro Manila kapag araw, dahil nagsisipagtrabaho o kaya naman ay nag-aaral sa Kamaynilaan ang mamamayan mula sa mga karatig-lalawigan sa Central at Southern Luzon. Lumuluwas sila sakay sa mga bus, jeepney, tren, at pribadong sasakyan. Noong 2016, nasa 2.4 na milyong sasakyan ang nakarehistro sa Metro Manila, 26 na porsiyento ito ng kabuuang 9.3 milyong behikulo sa buong bansa. Maikukumpara ng mga bilang na ito kung gaano kalubha ang problema ng Metro Manila sa trapiko kumpara sa Singapore.
Subalit nagpasya ang Singapore na magpatupad ng malaking hakbangin upang mapanatiling kontrolado ang trapiko nito.
Nagdesisyon itong limitahan ang bilang ng mga sasakyang gagamit sa mga kalsada nito, at panatilihin ang bilang na naitala noong nakaraang taon. Una na itong nagpatupad ng mga hakbangin upang malimitahan ang trapiko sa siyudad, kabilang ang regulasyon na tanging mga may sariling garahe lamang ang maaaring bumili ng sasakyan. Wala tayong ganitong patakaran sa Metro Manila — kaya naman karaniwan na nating makikita ang lahat ng uri ng sasakyan na nakaparada sa halos lahat ng kalye, na kumikitid tuloy kaya hindi magamit bilang alternatibong kalsada.
Nariyan din ang problema natin sa mga bus na kolorum. May mga jeep na matiyagang nag-aabang ng mga pasahero sa mga intersection, na siyempre pa ay nakahaharang sa isang lane — minsan pa nga ay dalawang lane — ng lansangan.
Kaakibat ng pasyang limitahan ang bilang ng mga sasakyang gagamit sa mga kalsada nito, nangako rin ang Singapore na pag-iibayuhin ang sistema ng pampublikong transportasyon. Ito ay isang mahalagang hakbangin na kinakailangan din ng Metro Manila. Nagpaplano tayo ng mga skyway at toll road, at maging ng subway, pero aabutin pa ng ilang taon ang pagsasakatuparan sa mga ito. Ang agaran nating kinakailangan ay mas maraming biyahe ng mga tren ng MRT at LRT, at bibihirang pamemerhuwisyo ng aberya ng mga ito.
Ngayong papalapit na ang Pasko, bumubuo na ng mga plano ang mga awtoridad sa Metro Manila at sa Department of Transportation upang maibsan ang karaniwan nang matinding pagsisikip ng trapiko tuwing ganitong panahon. Inaasahan natin na sa pagsisimula ng bagong taon ay makikita na natin ang simula ng ikinakasang komprehensibong traffic plan sa lugar, isang kasing determinado ng naging pasya ng Singapore upang malimitahan ang bilang ng mga sasakyan nito sa lansangan habang pinagbubuti ang sistema ng pampublikong transportasyon.