Ni NORA CALDERON
UMANI ng papuri si Alessandra de Rossi hindi lamang sa kanyang acting sa #12 (Viva Films) na pinagtatambalan nila ng bagong leading man niyang si Ivan Padilla during the premiere night ng movie.
Pinuri rin si Alex sa magandang script na siya ang sumulat at sa dialogues niya na kahit medyo mahahaba, dahil sila lamang ni Ivan ang magkausap lagi, hindi ka naman maiinis dahil napakanatural ng dating.
Isa pang ikinaganda ng pelikula, may very special guest sina Alex at Ivan na tiyak na ikatutuwa ng mga manonood.
Opening na ng #12 bukas, Wednesday, sa mga sinehan nationwide.
Kasama ni Alessandra ang boyfriend na si Marc Abaya sa premiere night. Open naman siya sa relasyon nila, pero nang tanungin tungkol sa boyfriend ay ayaw niyang magsalita.
Bakit?
“Ayaw ko, dahil wala naman siyang kinalaman dito sa movie namin,” sagot ni Alex. “Saka nakakahiya naman sa leading man ko, si Ivan, dahil kami ang magkatambal ‘tapos ibang lalaki ang pinag-uusapan, respeto na lang sa kanya, di ba?
Mas gusto kong i-promote ang #12 kaysa lovelife ko, kasi baka iyon ang isulat nang isulat, hindi iyong pinuri ninyong sinulat kong story at script, na siyempre, ipinagmamalaki ko.”
Present din sa premiere night ang mommy ni Alex na kararating lang from Italy. Doon na nakatira ang mommy niya with their family, sila na lamang ni Assunta ang nandito sa Pilipinas. Tinanong tuloy ang mommy niya kung mag-aasawa na si Alex ngayong may boyfriend na ito.
“Noon pang 25 lang ako, gusto na ni Mommy mag-asawa ako, pero hindi nangyari dahil 33 na ako ngayon, wala pa rin akong balak magpakasal. Parang sayang naman na ngayong may new dimension na ang career ko, saka ako mag-aasawa.
“Gusto kong mag-produce ng sarili kong movie at may script na rin akong naisulat for Aga Muhlach na nagustuhan naman niya. May sinulat din akong comedy series titled The Diary of A 30 Something at may gagawin din akong series with Piolo Pascual at Empoy, kaya bisi-bisihan ako talaga ngayon.
“Kaya sana suportahan ninyo kami ni Ivan Padilla sa #12, hindi namin kayo bibiguin. Salamat.”