Ni ROBERT R. REQUINTINA
PATULOY na nagniningning ang eleganteng ganda ng mga Pilipina sa pagkakasungkit ng Pilipinas sa dalawang international pageant crowns -- Miss Earth 2017 at Reina Hispanoamericana 2017 -- at isa pang 1st runner-up finish sa mga kompetisyon na ginanap sa Manila, Malaysia at Bolivia nitong Sabado ng gabi.
Sa Manila, kinoronahan si Karen Ibasco bilang Miss Earth 2017 sa Mall of Asia sa Pasay City. Tinalbugan niya ang iba pang 85 kandidatang nag-aspire sa korona.
Sa Bolivia, kinoronahan naman si Teresita Ssen “Winwyn” Marquez bilang Reina Hispanoamericana sa beauty contest na nagdiriwang sa Hispanic heritage, kultura at wika.
Sa Malaysia, nasungkit naman ni Sammie Anne Legaspi ang first runner-up sa Miss Lhumiere International World 2017 beauty pageant.
Nitong Nobyembre 3 (Nobyembre 4 Manila time), nagwagi naman bilang second runner up si Nelda Ibe sa Miss Globe 2017 contest na ginanap sa Albania.
Miss Earth
Si Ibasco, 26, ay nagtatrabaho bilang medical physicist sa St. Luke’s Hospital. Nagtuturo rin siya sa f University of Sto. Tomas sa Manila, kung saan siya nagtapos ng bachelor at master’s degrees sa Applied Physics major in Medical Physics.
Sa final question and answer, iisa ang katanungan sa Top 4 candidates: “Who or what do you think is the biggest enemy of Mother Earth and why?”
Sumagot si Ibasco ng: “I believe that the real problem in this world is not climate change; the real problem is us because of our ignorance and apathy. What we have to do is to start changing our ways, to start recalibrating our minds, and redirecting our steps, because together, as a global community, our micro efforts will have a macro effect to help save our home, our planet. Thank you.”
Si Ibasco ang ikaapat na Miss Earth winner mula sa Pilipinas sa loob ng 16 taong kasaysayan ng patimpalak.
Ipinagpatuloy rin niya ang winning streak ng Kagandahang Flores beauty camp sa ilalim ng pamamahala ni Rodgil Flores na lumikha ng titleholders sa Miss Philippines Earth contest simula noong 2008 hanggang sa kasalukuyan.
Ang mga nakaraang Miss Earth winners mula sa Pilipinas ay sina Karla Henry (2008), Jamie Herrell (2014) at Angelia Ong (2015) magmula nang magsimula ang timpalak noong 2001.
Ilang araw bago ang finals, pinangunahan ni Ibasco ang Miss Earth 2017 medal tally na mayroong dalawang gold at tatlong silver medals. Ang mga kandidata sa Miss Earth pageant ay pinarangalan ng gold, silver at bronze medals sa pre-pageant activities.
Ang iba pang nagwagi sa Miss Earth 2017 pageant ay sina: Miss Earth-Water Miss Colombia Juliana Franco; Miss Earth-Fire Miss Russia Lada Akimova; at Miss Earth-Air Miss Australia Nina Robertson.
Reina Hispanoamericana
Tinalo ni Wynwin ang 26 na kandidata para sa koronang karaniwang napagwawagian ng mga Latina.
Ito rin ang unang pagsabak ng Pilipinas o ng Asya sa naturang kompetisyon na nagsimula pa noong 1991.