Istrikto at matinding training program ang kailangan upang mapigilan ang pagpasok ng mga tiwali sa pulisya ng bansa, habang pursigido ang Philippine National Police (PNP) sa pagtugis sa mga scalawag na nasa serbisyo ngayon.
Gayunman, inihayag ni PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na ang programang nais ipatupad ng pulisya ay pinipigilan ng batas na nagtatalaga sa Philippine Public Safety College (PPSC) bilang in-charge sa pagsasanay ng mga bagong pulis.
“That is why I have been repeatedly appealing to the Congress to give us back the control of the training for our policemen because it would be in the training that you would be able to sort out the bad eggs from good ones,” ani dela Rosa.
Nagpahyag ng salaysay ang opisyal makaraang masangkot ang isa pang middle-ranking officer sa bagong kaso ng kidnap-slay, na kinasasangkutan ng casino junket operator noong nakaraang buwan.
Matatandaan na Enero ngayong taon nang nasangkot ang isang police colonel sa kidnap-slay sa South Korean executive na si Jee Ick Joo, na pinatay pa sa loob ng PNP headquarters sa Camp Crame sa Quezon City matapos dukutin at kolektahan ng ransom ang pamilya nito.
Parehong ginamit ng dalawang police colonel ang serbisyo ng isang pulis upang maisagawa ang ilegal na aktibidad, ayon sa imbestigasyon ng pulisya.
Bukod sa training program para sa police recruits, isa sa pangunahing supplier ng mga opisyal para sa PNP ang Philippine National Police Academy (PNPA), na hindi sumailalim sa training ng pulisya.
Miyembro si Supt. Johnny Orme, na suspek sa pagdukot at pagpatay sa casino junket operator na si Oscar Tan, ng PNPA Class 1997.
Bagamat kakaunting porsiyento lamang, ayon kay dela Rosa, ang bugok sa 160,000 operatiba ng PNP, nakababahala ang pagkakasangkot ng pulisya sa iba’t ibang ilegal na aktibidad.
“If you make the training very strict and hard, these potential bad eggs will leave because what they have in mind is how to be a rich one once you become a policeman,” ani dela Rosa.
“But how can you do that now if the training is not hard, is not that strict? So I really want the training to be handled by the PNP to make sure that only the best and brightest with good intentions would become policemen,” dagdag pa niya. - Aaron B. Recuenco