HALOS lahat ng bansa sa buong mundo ay mayroong seryosong problema sa nutrisyon, maaaring dahil sa labis na pagkain na nauuwi sa obesity o labis na timbang, o kawalan ng makakain na nagreresulta naman sa malnutrisyon, ayon sa pangunahing pag-aaral na inilathala nitong Sabado.
Inihayag ng mga mananaliksik sa likod ng Global Nutrition Report, na sumuri sa 140 bansa, na ang mga problema ay “putting the brakes on human development as a whole” at nanawagan sa mahalagang pagbabago bilang tugon sa mga bantang ito sa kalusugan sa buong mundo.
Napag-alaman sa report na bagamat kumakaunti ang kaso ng malnutrisyon sa buong mundo, hindi sapat ang bilis ng pagbaba nito upang makamit ang itinakdang Sustainable Development Goal (SDG) upang sugpuin ang lahat ng uri ng malnutrisyon sa pagsapit ng 2030.
Mahigit sa 155 milyong bata na edad lima pababa ay bansot dahil sa kawalan ng tamang nutrisyon, at 52 milyon ang tinukoy na “wasted” — o iyong hindi tugma ang timbang sa tangkad, lahad sa report.
Sa kabilang banda, ang labis na pagkain ay nakakaapekto sa publiko, sa kahit anong edad, sa mundo: napag-alaman sa report na dalawang bilyon sa pitong bilyong tao ay labis ang timbang o obese.
Sa buong mundo, aabot sa 41 milyon bata na edad lima pababa ang overweight, at sa Africa lamang, aabot na sa sampung milyon ang mga batang labis ang timbang.
“Historically, maternal anaemia and child undernutrition have been seen as separate problems to obesity and non-communicable diseases,” lahad ni Jessica Fanzo, propesor sa Johns Hopkins University sa Amerika na nanguna rin sa Global Nutrition Report.
“The reality is they are intimately connected and driven by inequalities everywhere in the world. That’s why governments ... need to tackle them holistically, not as distinct problems.”
Taun-taong inilalabas ang Global Nutrition Report upang busisiin ang lagay ng nutrisyon sa mundo. - Reuters