Nagsama-sama kahapon ang mga Katoliko, sa pangunguna ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), at multi-sectoral organizations sa EDSA Shrine upang ipanalangin ang mga biktima ng extrajudicial killings sa bansa at ang paghihilom ng ‘sugat ng bayan’ na dulot ng ‘madugong’ war on drugs ng pamahalaan.

Dakong 3:00 ng hapon nang inilunsad ang mapayapang kampanya na “Start the Healing,” sa pamamagitan ng isang banal na misa na tinawag na “Lord Heal Our Land Sunday.”

Sinundan ito ng prusisyon at candle-lighting, na hudyat ng 33-araw na panalanging laban sa drug-related killings. Kasama sa prusisyon ang imahe ng Our Lady of Fatima na dinala noong 1986 People Power Revolution sa EDSA.

Si CBCP president at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang nanguna sa aktibidad. Walang mga banner at slogan sa okasyon, na una nang sinabi ni Villegas na walang halong pulitika, at sa halip ay panawagan lamang ng paghihilom ng sugat ng bayan.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“We cannot heal by breaking each other. Start the healing. Let’s start the healing today,” diin ng arsobispo.

Nakikisa naman ang Malacañang sa “true healing” ng bansa.

Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kailangang magkaisa ng taumbayan at tulungan ang gobyerno sa paglaban sa iligal na droga, kriminalidad at korapsiyon.

“We are one in the true healing of this nation that has long been divided by politics. We must come together as one country and one people and help the government in building a nation free from drugs, criminality and corruption,” ani Roque. - Mary Ann Santiago at Beth Camia