DUMAAN sa matandang kawikaan na butas ng karayom ang University of the East upang maigupo ang De La Salle University , 82-79, kahapon sa pagpapatuloy ng second round ng UAAP Season 80 women’s basketball tournament sa Araneta Coliseum.

Dahil sa panalo, ang ika-anim nilang sunod, umangat ang Lady Warriors’ sa markang 10-2, kasalo ng University of Santo Tomas Growling Tigresses sa ikalawang puwesto habang nabaon naman ang Lady Archers sa barahang 2-11.

“Actually, hindi ako masaya sa ginawa nila today. Hindi ‘to yung gusto namin,” ani UE head coach Aileen Lebornio. “Lagi ko sinasabi sa kanila na huwag niyo tignan yung kalaban ninyo sa level niyo, tignan niyo sila na mas mataas sa inyo para mataas din ang laro ninyo.”

“Ang ginawa kasi nila, hindi ako masaya. Galing sila sa pahinga pero hindi ko alam bakit ganiyan ang nilaro nila. Ang only good thing lang dito ay nanalo kami. Hindi puwedeng laging ganito at kailangan namin malagpasan ito,” aniya.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Abante ang UE sa kabuuan ng laro, ngunit nagawang makahabol ng La Salle. Sinuwerte lamang ang UE dahil nagmintis ang La Salle sa krusyal free throws na dapat sana’y maghahatid sa laro sa extension.

Nagtala si Eunique Chan ng 21-puntos at 14 rebounds kasunod si Ruthlaine Tacula na may 20-puntos at Love Sto. Domingo na may 18 puntos at 17 rebounds upang pangunahan ang panalo ng Red Warriors.

Namuno naman si Khate Castillo para sa La Salle na may 19 puntos. - Marivic Awitan