ISINANTABI ni Pangulong Duterte ang negosasyon ng gobyerno sa liderato ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), subalit naglunsad siya ng bagong pagpupursige para isulong ang kapayapaan — nakikipag-usap siya sa mga lokal na sangay ng NPA at sa bawat rebeldeng nais nang tumigil sa pakikipagbakbakan.
Isinusulong ng anak na babae ng Pangulo, si Davao City Mayor Sara Duterte, ang kampanyang ito sa mga lokal na rebelde sa Davao. Inihayag ng Presidente na suportado niya ang inisyatibo ng kanyang anak at inialok ang kaparehong negosasyon sa iba pang mga rebelde sa iba’t ibang dako ng bansa. Hinimok niya ang mga pagod na sa pakikipaglaban na isuko na ang kani-kanilang armas at kapalit nito ay pagkakalooban sila ng pamahalaan ng sariling bahay at kabuhayan.
Sa pagsisimula ng kanyang administrasyon noong nakaraang taon, dumulog ang Pangulo sa dati niyang propesor sa Lyceum of the Philippines — si Jose Ma. Sison, ang chairman at nagtatag ng CPP, sa layunin wakasan na ang halos kalahating siglo na ng rebelyon ng mga Komunista sa bansa. Nabigo ang mga negosasyon noong Mayo dahil sa ilang usapin, kabilang ang pagpapalaya sa mga nakapiit na opisyal ng CPP at ang deklarasyon ng batas militar sa Mindanao sa pagsisimula ng tangkang pagkubkob ng mga terorista sa Marawi.
Pero mistulang hindi monolithic ang CPP-NPA-NDF. Kahit pa nakikipagpulong na ang mga pinuno ng CPP sa mga negosyador ng gobyerno sa Oslo, Norway, nagpapatuloy pa rin ang mga pag-atake ng NPA sa iba’t ibang dako ng Pilipinas. Nagpapasya ang mga lokal na kumander batay sa umiiral na sitwasyon sa kanilang lugar.
Malaki na ang ipinagbago ng mundo simula nang lumipas ang kasagsagan ng Communist movement pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang Soviet Russia nina Lenin at Stalin ay nalusaw na at naging Russian Federation ng mga nagsasarili ng republika ng Ukraine, Belarus, Lithuania, Kazakhstan, Uzbekistan, Georgia, at iba pa. Sa panig naman ng China, nagsimula itong maging pinakamakapangyarihang ekonomiya sa mundo sa pagkamatay ni Chairman Mao, nang pangunahan ng bagong pinuno, si Deng Hsiao Ping, sa tulong ng inilunsad niyang reporma sa merkado, ang China sa pamamayagpag sa pandaidigang ekonomiya. Ang ideyolohiya ng Komunismo ay hindi na itinuturing ngayon bilang isang epektibong pagkilos bilang alternatibo sa demokrasya.
Ito ang malinaw na ideya sa panibagong pagpupursigeng pangkapayapaan ni Pangulong Duterte, hininimok ang mga ground commander ng NPA at ang mga tauhan ng mga ito. Sa press conference sa Davao nitong Martes ng gabi, sinabi ng Presidente na ang iniaalok niyang trabaho at pabahay ay para sa mga pagod nang sumabak sa pakikipagbakbakan, sa mga ayaw na sa karahasan, at sa mga tumatanggi anng pumatay ng kapwa Pilipino.
Maraming miyembro ng NPA ang nasadlak sa kilusan dahil sa problemang pinansiyal at sa pinaniniwalaan niyang kawalang hustisya ng lipunan at mailap na katarungan. Ang alok ng Pangulo na pabahay at mga trabaho ay maituturing na isang napakagandang simula; at dapat na samantalahin ito ng mga wala nang nakikitang pag-asa sa pakikipaglaban sa wala na sa panahong ideyolohiya.
Batid marahil ng Pangulo na ang kaparehong programa na nagsusulong ng kaunlarang pang-ekonomiya at ayudang pinansiyal ang kailangan sa buong bansa. Oportunidad sa trabaho para sa lahat ng nangangailangan nito, hindi lamang para sa mga nakikipagbakbakan para sa NPA — na magiging napakagandang tagumpay para sa administrasyong ito at sa mga susunod pa.