Hindi umubra ang tikas at galing ng tatlong umano’y carnapper na tumangay sa isang tricycle matapos silang maaresto sa Oplan Sita ng mga pulis sa Makati City, kahapon ng madaling araw.
Nakakulong ngayon sa himpilan ng Makati City Police sina Jerome Javinar, 18, tricycle driver; Eliz Michael De Ocampo y Valderama, 22, tricycle driver; at Rodrigo Dela Cruz Jr. y Cagas, 20, pawang taga-Barangay Rizal, Makati.
Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), nadakip ng mga tauhan ng Anti-Carnapping at Intelligence Units, at Police Community Precinct (PCP)-10 ng Makati City Police ang tatlong suspek sa Magnolia Street sa Bgy. Rizal, dakong 3:40 ng madaling araw.
Sa pagsisiyasat ni SPO3 Noli Jucal, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga pulis sa lugar nang parahin at sitahin ang tatlong lalaki na pawang walang suot na helmet at magkakaangkas sa isang motorsiklong walang plaka. Wala rin umanong lisensiya ang driver at walang maiprisintang dokumento kaya agad silang inimbitahan sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang beripikasyon ng nasabing motorsiklo.
Bandang 7:00 ng umaga kahapon nang ini-report sa Rizal Barangay Hall ni Oscar Bernaldez, nasa hustong gulang, ng Mabolo St., Bgy. Rizal, ang pagtangay ng tatlong lalaki sa nakagarahe niyang tricycle.
Nagtungo si Bernaldez sa Makati City Police bandang 8:30 ng umaga at positibong kinilala ang tatlo na kumuha sa kanyang motorsiklo, na kaagad din niyang nabawi.
Natunton naman ang sidecar ng tricycle ni Bernaldez sa Dafodil St. sa Bgy. Rizal. - Bella Gamotea