Dalawang personalidad ang dumulog umano sa House Committee on Banks and Financial Intermediaries upang magbigay ng mahahalagang impormasyon tungkol sa pagkakasangkot ng ilang opisyal ng Social Security System (SSS) sa anomalya sa stock trading.

Sinabi ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone, panel chairman, na kinausap siya ng “two witnesses” sa stock trading scandal na kinasasangkutan ngayon ng SSS.

“In fact ngayong araw na ito, dalawang tao ang gustong kumausap sa akin, ano, magbibigay ng iba ibang impormasyon kumbaga sa kalakaran d’yan sa SSS,” sinabi ni Evardone sa isang panayam sa radyo.

Sinabi ni Evardone na lahat ng sangkot na opisyal ay pahaharapin sa imbestigasyon ng Kamara sa Nobyembre 20, kabilang ang mga nagbitiw na sa tungkulin at mga nasuspinde.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Una nang nag-resign sina Senior Vice President at chief actuary George Ongkeko Jr., at Ernesto Francisco Jr., equities product development head, habang sinuspinde naman sina SSS Executive Vice President Rizaldy Capulong, at Vice President Reginald Candelaria, OIC of equities investment division/capital markets group.

Nahaharap ang apat sa reklamong administratibo na “serious dishonesty and grave misconduct.”

“Apparently, mayroong taga-insider d’yan. Paano makukuha ng sindikato ‘yung ganyang information na ito si Juan dela Cruz o si Josefina dela Cruz ay dormant ‘yung account, galawin natin ito, i-fake natin ang mga signatures niya, ‘yung mga documents,” sabi ni Evardone.

“Nagulat din ako, may mga tumawag na sa akin at nag-text. Sabi ko, ‘bigyan n’yo ‘ko ng mga necessary information, dokumento para mai-bring up din natin ‘yan sa SSS at saka sa GSIS’,” dagdag pa ni Evardone. - Charissa M. Luci-Atienza