Pinaalalahanan kahapon ng Commission on Elections (Comelec) ang mga botante na maaari na silang magparehistro simula bukas, Nobyembre 6, Lunes, sa muling pagbubukas ng mga tanggapan ng poll body para sa voters’ registration.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, tatagal hanggang sa Nobyembre 30 ang voters’ registration kaya dapat itong samantalahin ng mga hindi pa nakakapagparehistro upang matiyak na makaboboto sila sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Mayo 2018.
“Voter Registration resumes on Monday, people. #VoterReg2017,” tweet kahapon ni Jimenez (jabjimenez).
“Reminder: #VoterRegistration to resume on Monday, November 6 until November 30, 2017,” tweet pa ni Jimenez sa official Twitter account ng Comelec na @COMELEC.
Tatanggap ng mga magpaparehistro ang mga lokal na tanggapan ng Comelec simula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, Lunes hanggang Sabado, kabilang ang araw ng holiday, sa mga nasabing petsa. - Mary Ann Santiago