Mainit-init na P188,000 cash, na downpayment sana sa sasakyan, ang natangay sa isang miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF), matapos ipagkatiwala sa dalawang babae na kapwa nagpakilalang sales agent sa loob ng isang car company sa Muntinlupa City nitong Biyernes.

Nanlulumong dumulog sa tanggapan ng Muntinlupa City Police ang biktima na si PO2 Jhon Paul Lim y Domingo, 31, nakatalaga sa SAF, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City at nakatira sa Villa Montserrat, Barangay San Juan, Taytay, Rizal.

Kinilala ang isa sa mga suspek na si Abel Medina, tinatayang nasa edad 35-45, katamtaman ang pangangatawan, taga-Makati City habang kinikilala pa ang kasama niyang babae na kapwa tinutugis ng awtoridad.

Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), naganap ang insidente sa Isuzu Alabang Branch, Alabang Zapote Road, Bgy. Alabang, Muntinlupa City, bandang 1:30 ng hapon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nagpunta si Lim sa nasabing car company upang bumili ng Isuzu MUX nang lapitan ng mga suspek na nagpakilalang sales agent.

Dahil sa matatamis na salita ng dalawang suspek, nakumbinsi si PO2 Lim na ipagkatiwala sa mga ito ang kanyang P188,000 cash, photocopy at orihinal na mga dokumento tulad ng proof of billing (PLTD bill), individual C.T.C, NBI Clearance, pay slip, at certificate of duty status.

Makalipas ang ilang minuto, nagpaalam ang mga suspek kay Lim na pupunta lamang sa palikuran, subalit hindi na bumalik ang mga ito at tangay ang pera at mga dokumento ng huli.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon at follow-up operation sa insidente. - Bella Gamotea