ni Argyll Cyrus B. Geducos
Ang P6-billion bayad ng Philippine Airlines (PAL) sa pagkakautang nito sa navigational fees ay ilalaan sa pag-aaral ng mga estudyante sa local and state universities and colleges (LUCs and SUCs).
Ito ay matapos iulat na tuluyan nang nakapagbayad ang flag carrier sa kanilang utang, kabilang ang mga hindi nabayarang navigation fees, sa gobyerno, simula pa noong 1970s hanggang Hulyo 2017.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nagagalak ang Malacañang dahil tuluyan nang nakapagbayad ng utang ang PAL at hindi na ito pinatagal pa.
“Pupuwede na tumagal pa iyong proseso ng pangongolekta ng P6 billion, pero minabuti na po nilang magbayad at dahil dito po ay makikinabang na ang bayan kaagad dito sa P6 billion na ito,” sabi niya sa panayam sa DZMM.
Ipinaliwanag niya ang perang ibinayad ay gagamitin sa mga pangunahing programa ng gobyerno, partikular na ang libreng edukasyon sa kolehiyo sa SUCs at LUCs.
“Iyong P6 billion po ay mapupunta ‘yan sa libreng tuition sa lahat ng state universities and colleges,” sabi ni Roque.
Noong Agosto, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Republic Act (RA) 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act na nagkakaloob ng libreng edukasyon sa lahat ng SUCs at LUCs sa bansa.
Una nang iminungkahi ni Budget Secretary Ben Diokno kay Duterte na i-veto ang panukala dahil walang sapat na pondo ang pamahalaan para rito na tinatayang gugugulan ng P100 bilyon.
Gayunman, sa taya ng Commission on Higher Education (CHED), aabot lamang sa P34.1 bilyon ang kinakailangang pondo upang maipatupad ang batas.
IBA PANG BENEPISYO
Bukod sa pagpopondo sa RA 10931, sinabi ni Roque na ang perang ibinayad ng PAL ay ilalaan din sa Universal Health Care initiative ng gobyerno, at iba pang pangunahing programa na patuloy na nakatengga sa Kongreso.
“Napakadami po nating mga benepisyo na binibigay sa ating taong-bayan, at siyempre kinakailangan din natin ng pondo para mapondohan nga ‘yang mga proyektong ‘yan,” ani Roque.
“At itong P6 billion na ito, diyan po pupunta ‘yan ‘no – sa libreng tuition, sa libreng pakain sa mga kabataan, sa libreng patubig para sa mga magsasaka,” pagpapatuloy ni Roque.