ANG bagong nadiskubreng lahi ng orangutan sa isang liblib na lugar sa kagubatan ng Indonesia ang tinaguriang most endangered, o pinakadelikado nang maglaho na unggoy.
Ito ang sinabi ng mga mananaliksik nitong Huwebes.
“It’s the first declaration of a new great ape species in about 100 years,” sinabi ni Ian Singleton, awtor ng pag-aaral at direktor ng Sumatran Orangutan Conservation Programme, sa Agencé France Presse.
Ang uri, na tinawag na “Tapanuli orang-utan”, ay naninirahan sa kagubatan ng Batang Toru sa isla ng Sumatra, at ang kabuuang bilang nito sa ngayon ay nasa 800 na lamang, kaya ito ang pinaka-kakaunting lahi ng unggoy sa buong mundo, ayon kay Singleton.
Noon ay inakala ng mga siyentipiko na mayroon lamang dalawang klase ng orangutan, ang Bornean at Sumatran.
Ngunit noong 1997 nadiskubre ng mga mananaliksik sa Australian National University ang populasyon ng great apes sa Batang Toru, timog ng kilalang tirahan ng mga Sumatran orangutan, at sinimulan ng mga siyentista ang pag-aaral kung naiiba ang uring ito.
Pinag-aralan ng mga mananaliksik ang DNA, bungo at ngipin ng 33 orangutan na napatay sa gulo sa human-animal conflict bago napag-alaman na nakadiskubre sila ng bagong uri ng nasabing hayop, at tinawag nila itong Pongo tapanuliensis.
Sa panlabas na anyo, malaki ang pagkakahawig ng Tapanuli orangutan sa Bornean counterpart nito, na may kulay cinnamon na balahibo na mas malalago sa kalahi nitong Sumatran. Mayroon din itong “prominent moustache”, ayon sa pag-aaral na inilathala sa journal na “Current Biology”.
“The Batang Toru orangutans appear to be direct descendants of the initial orangutans that had migrated from mainland Asia, and thus constitute the oldest evolutionary line within the genus Pongo,” lahad ng isa pang awtor na si Alexander Nater, ng University of Zurich.
“Orangutans reproduce extremely slowly, and if more than one percent of the population is lost annually this will spiral them to extinction,” sabi naman ng isa pang awtor na si Serge Wich, propesor sa Liverpool John Moores University.
Parehong kabilang sa listahan ng International Union for Conservation of Nature (IUCN) ng mga naglalahong lahi ng unggoy ang Sumatran at Bornean orang-utans.- Agencé France Presse