Arestado ang 70-anyos na babae at kanyang anak na kapwa namamasukang kasambahay makaraang ireklamo ng kanilang amo ng pagnanakaw ng milyong halaga ng alahas at pera sa Sta. Mesa, Maynila, iniulat kahapon.

Nahaharap sa kasong pagnanakaw sina Emelita Mercado, alyas Lita, 70; at Antonina Mercado, alyas Nini, 38, parehong stay-in housemaid sa bahay ng complainant na si Susan Bueno, 58, ng 3581 Dupil Street, P. Sanchez, sa Sta. Mesa.

Sa ulat mula sa tanggapan ni Police Chief Inspector Eduardo Pama, hepe ng Theft and Robbery Section (TRS) ng Manila Police District (MPD), inireklamo ni Bueno ang mag-ina nang madiskubreng pinasok ng mga ito ang kanyang silid, gamit ang duplicate key, at tinangay ang mga alahas, relos na nagkakahalaga ng 1,260,000, at 20,000 cash.

Natuklasan umano ni Bueno ang pagnanakaw nang umuwi siya mula sa Greenhills, San Juan ay nadatnang bukas ang pinto ng kanyang kuwarto at nasa loob si Nini noong Nobyembre 2, bandang 2:00 ng hapon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa labis na takot ay napahagulgol na lamang si Nini at ipinagtapat ang mga ninakaw na alahas sa maraming pagkakataon.

Isiniwalat din ni Nini na ang kanyang ina ang may pakana na ipa-duplicate ang susi sa kuwarto ng biktima at ito ang kanilang ginagamit sa pagnanakaw. - Mary Ann Santiago