Isang hinihinalang drug user ang nanaksak ng nakatatanda niyang kapatid na iniulat na nagtangkang magpakalma sa suspek na nainis sa kanyang ama sa pagpipigil sa kanyang magbenta ng mga sariling damit sa Malabon City nitong Biyernes.

Ayon kay Police Officer 2 Rockymar Binayug, may hawak ng kaso, sugatan si Reymond Aquino, 37, pintor, makaraang saksakin sa kanang braso ni Rey Aquino, 25, walang trabaho. Kapwa sila nakatira sa C-4 Road, Barangay Tañong, Malabon City.

Base sa inisyal na imbestigasyon, sinubukang pakalmahin ni Reymond si Rey na naiulat na nakipagsagutan sa kanilang ama sa loob ng kanilang bahay, nang biglang kumuha ng kutsilyo ang biktima at sinaksak siya, bandang 9:00 ng umaga.

Inaresto ng mga tanod si Rey habang isinugod naman sa Tondo Medical Hospital si Reymond.

National

Zamboanga del Norte, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol; Aftershocks at pinsala, asahan!

Sinabi ni PO3 Jojo Lauron, desk officer, sa Balita na nainis si Rey nang pigilan siya ng kanyang ama na ibenta ang mga sarili niyang damit.

“He wanted to sell his own clothes but the father did not allow him so he said bad words that resulted to an argument,” ani PO3 Lauron.

Kinumpirma ng mga kamag-anak ng suspek na gumagamit siya ng ilegal na droga.

Ayon naman sa awtoridad, minsan nang kinasuhan si Rey ng robbery at hold-up.

Nakatakdang sampahan ng kaso si Rey na kasalukuyang nakakulong sa Malabon Police. - Kate Louise Javier