Ni ADOR SALUTA

INAMIN NI Coco Martin na noong una ay nag-aalinlangan siyang gawin ang pelikulang Ang Panday as his first big screen directorial project.

“Di ba kasi lahat naman tayo everytime na may papasukan tayo na bagong bagay, kapag hindi pa natin nai-experience, meron tayong doubt sa sarili natin na kaya ba natin, lalung-lalo na ‘yung first day ko. Kasi nandu’n ako ‘pag gumagawa ako ng mga indie films ko, mga ibang pelikula, soap opera, nandu’n ako nagbibigay ako ng suggestions, ng ideas. Pero iba kapag nakapatong na lahat sa balikat mo ‘yung mga ‘yun. Kumbaga, parang ‘pag nagkamali ka diyan, desisyon mo ‘yan. Ang mahirap pa sa akin, siguro dahil malakas ang loob ko, eh, sabi nga nila kapag ang isang bagay ginawa ko nang madali at simple parang hindi ako kuntento,” pahayag ng aktor.

Lito at Coco
Lito at Coco
Itinuring ni Coco na isa sa mga paghamon ang paggiling ng kanyang kamera sa gitna ng abala at mataong Divisoria. Pahayag ng baguhang direktor, kahit nakikita niyang imposibleng kumuha nang anggulo sa Divisoria, itinuloy pa rin niya ito dahil ayaw niyang dayain ang kanyang mga manonood.

Tsika at Intriga

Carlos Yulo, wala pa raw naibibigay na tulong sa pamilya kahit palihim na abot?

“Ako, ‘pinanganak ako sa indie and at the same time natuto ako sa mainstream. Happy ako ‘tapos ‘yung mga natutunan ko gusto ko siya ilabas. Lahat hindi sila naniniwala sa akin, sa gitna ng Divisoria, sa dami ng tao du’n paano ako magsu-shoot du’n? Eh, ayoko ng set-up, ayoko ‘yung parang prinoduction ‘yung parang palengke, inayos, ganyan-ganyan. ‘Yun, ginawa ko lakasan ng loob, ‘tinuro ko sa kanila ‘yung strategy kung paano gagawin,” ani Coco.

Malakas ang loob niya dahil ginabayan siya ng internationally acclaimed director na si Brillante “Dante” Mendoza sa unang pagsabak niya bilang direktor.

“Siyempre kay Brillante Mendoza ako galing na ang mindset namin walang imposible. Dapat laging posible. Eh, sabi ko gusto ko makita ang totoo at ‘pag nanoong ‘yung mga tao nakikita nila ‘yung totoo, hindi ‘yung totoo na dinaya. And then na-survive ko ‘yun. And then after that second day, kaya ko na hanggang sa natapos ko. Kaya sabi ko para talaga akong lumusot sa butas ng karayom para matapos ko ‘yung pelikula,” kuwento ng aktor.

Bukod Direk Brillante, maraming nag-alok ng suporta sa bago niyang career, ang paiging direktor,

“Marami, eh, kasi kailangan ko talaga ng guidance. Si Direk Dante lagi niya akong pinapangaralan lalo na sa mga technical side. Pagdating naman sa characterization si Direk Malou (Sevilla) naman. And then kapag sa mga fight scene nandiyan naman si Direk Toto Natividad, sila Direk Abel at siyempre ang pinaka-nag-guide sa akin overall si Lito Lapid. Du’n ko nadiskubre na napakabait niyang tao. Kasi ang sarap sa pakiramdam na may isang tao na hindi naman kami ga’nong magkakilala, nagkasama lang kami sa trabaho, sa proyektong ito, sa Probinsyano, na ako pa ang lumapit sa kanya para humingi ng tulong para masuportahan niya ang Probinsyano at mabigyan ako ng magandang konsepto. Alam n’yo sinabi niya sa akin, ‘At least nandito pa ako, malakas pa ako. May time pa ako para ituro ko sa iyo lahat ng mga nalalaman ko’,” lahad ni Coco.

Sa pagsasama sa Ang Probinsyano, hanggang sa mapasama rin sa cast ng Ang Panday, na-realize ni Coco na malaki at importante ang tulong ng dating senador sa trabaho niya.

Kung napapansin n’yo sa Ang Probinsyano, di ba makikita n’yo para kayong nagbabaliktanaw sa mga action noon kasi lahat ng ‘yun ang nagpa-fight director sa akin ngayon si Lito Lapid. ‘Yung mga technique niya, ‘yung mga strategy niya, ‘yung tamang form, lahat. Gina-guide niya ako, as in lahat. ‘sini-share niya lahat. Ang hirap nu’n, eh, na isi-share mo ‘yung kaalaman mo sa iba. Parang siya, bukal na bukal sa loob niya. Lahat kami du’n sa set nanganganga, nabibilib kami kasi ang galing. Para kaming nakakuha ng isang teacher na nagtuturo sa amin lahat kung paano gawin,” masayang pagbabalita ni Coco nang humarap sa press sa launching ng kanyang game app sa SMX Convention last week.

Tapos na silang mag-shooting ng Ang Panday. Dito din niya na-realize na marami sa kasamahan niya sa serye ang nakasama rin sa kanyang MMFF entry. “Actually, ‘yun ang sekreto ko kasi sabi ko nga, first movie ko ito, eh. Kailangan lahat ng mga taong makakasama ko dito ‘yung mga taong naniniwala sa akin. Kasi ang hirap ‘yung parang magtratrabaho ka as a director ‘tapos may doubt sa ‘yo ‘yung mga tao mo. Kaya parang habang sinu-shoot ko ito, ang sarap ng pakiramdam kasi lahat sila gusto nila mag-succeed ka. ‘Tapos tutulungan ka nila, a-advise-an ka nila. Sabi ko nga, itong project na ito it’s a team effort, eh. Kasi sinasabi ko sa kanila first time ko ito, hindi ako nag-aral magdirek, hindi ako nagpunta sa New York, hindi ako nag-aral sa UP, ang kaalaman ko lang experience. And then sabi ko, itong mga taong ito, ito ang mag-ga-guide sa akin lahat para matapos ko itong pelikulang ito,” kuwento ng aktor.