ni Bert de Guzman

MAGANDA at conciliatory ang alok ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa New People’s Amy (NPA) para sa pagtatamo ng kapayapaan. May 50 taon na ang insureksiyon o pakikipaglaban sa ilalim ng pamumuno ni Jose Ma. Sison (Joma), founder ng Communist Party of the Philippines (CPP), at dating propesor ni Mano Digong. Ang NPA ang armadong sangay ng CPP. May kontrol pa ba si Joma ngayon sa NPA?

Sa pagkakaloob ng pangakong $6 bilyong ayuda ng Japan na tatagal ng limang taon nang bumisita si PDU30 sa bansa ni Prime Minister Shinzo Abe, tinawagang muli ni PRRD ang NPA na isalong na ang kanilang mga armas upang wakasan ang 50-year old insurgency sa Pilipinas. Ipinangako niya sa NPA rebels na bibigyan sila ng kabuhayan, trabaho at pagkakataong magbalik sa lipunan at mamuhay nang normal.

Sa pakikipag-usap ni PRRD kay PM Abe, nangako ang Japanese leader na tutulong sa pagbangon ng Marawi City na durog na durog at wasak na wasak dahil sa walang puknat na pambobomba ng mga eroplano para magapi ang teroristang Maute Group. Ang ayuda ng Japan ay gagamitin din sa pagpapatayo ng iba’t ibang infrastructure projects sa buong bansa.

Sa kanyang paglapag sa Davao International Airport mula sa Japan noong Martes, ganito ang panawagan ni Pres. Rody sa NPA: “I am addressing myself to all the soldiers of the New People’s Army: Mag-surrender na lang kayo ngayon at ibaba ang inyong baril.” Sinabi niyang naghihintay ang trabaho sa mga NPA na nasa kabundukan.

Nadakip ng militar ang isang Indonesian terrorist na kabilang sa Islamic State-inspired Maute Group. Siya ay si Muhammad Ilham Syahputra, 23, na nasamsaman ng isang bag na may lamang improvised explosive device (IED) at isang 45 cal. pistol. Sinabi niya na balak ng mga terorista na mambomba sa Marawi at sa iba pang panig ng Mindanao. Ayon sa kanya, may 39 na stragglers pa sa Marawi City hanggang ngayon.

Nasa ika-5 puwesto ang Pilipinas sa hanay ng mga bansa na may pinakamataas na “impunity” sa pagpatay sa mga journalist sa nakalipas na isang dekada, ayon sa New York-based Freedom Watchdog. Batay sa 2017 Global Impunity Index na ni-release ng Committee to Protect Journalists (CPJ) noong Miyerkules, ang ‘Pinas ay isa sa mga bansa na may “highest impunity in the killings of journalists.”

Nangunguna sa listahan ang Somalia, sumunod ang Syria, Iraq, South Sudan, Pilipinas, Mexico, Pakistan, Brazil, Russia, Bangladesh, Nigeria at India. Masaklap na balita ito sa administrasyon ng ating Pangulo.

Alam ba ninyong tatlo sa limang Pinoy ang hindi kumporme sa pagkakaloob ng cash rewards sa mga pulis sa bawat drug pusher o user na kanilang napapatay, ayon sa Social Weather Stations (SWS) survey. Ayon sa SWS, 65% ang nagsasabing hindi tama sa mga pulis na tumanggap ng cash incentive sa bawat tulak at adik na kanilang napatay. Well, kung ganito ang sistema ng Duterte admin at ng PNP, hindi kataka-takang libu-libo ang napapatay bunsod ng gantimpala!