BOLJOON, Cebu – Bagamat idineklara ng Department of Environment and Natural Resources-Mines and Geosciences Bureau (DENR-MGB)-Region 7 na isang sitio lamang sa bulubunduking barangay sa bayan ng Boljoon, Cebu, ang tinukoy na “permanent danger zone” at “no habitation zone” dahil sa tuluy-tuloy na pagguho ng lupa, anim na barangay ang isinailalim ng pamahalaang bayan sa state of calamity.

Kinumpirma ni Ruben Niere, public information officer ng pamahalaang bayan ng Boljoon, na isinailalim sa state of calamity ang mga barangay ng Lower Becerril, Upper Becerril, Nangka, Lunop, San Antonio, at Poblacion.

Bagamat ang Bgy. Lower Becerril lang ang direktang naapektuhan ng landslide, sinabi ni Niere na nagdesisyon ang municipal council na isailalim din sa state of calamity ang limang iba pa dahil nasira ang 15-kilometrong kalsada na nag-uugnay sa limang naunang binanggit na barangay sa Bgy. Poblacion, kaya hindi ito maaaring daanan ng mga behikulo.

Una rito, iniulat ng mga opisyal sa municipal at provincial government disaster na ang pagguho ng lupa ay unang nangyari noong Oktubre 27, bunsod ng paggalaw ng fault line na tumatagos sa Boljoon.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Hulyo ngayong taon nang tukuyin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang 20 lugar sa Cebu na may aktibo o potensiyal na aktibong fault systems: ang Central Cebu Fault, South Cebu Fault (SCF), at Bogo Fault. Ang Boljoon ay saklaw ng SCF.

Ngunit sa pahayag sa website nitong Biyernes, sinabi ng MGB-7 na ang limang araw na tuluy-tuloy na pag-ulan ang nagbunsod ng malawakang pagguho ng lupa sa Sitio Camp Franco sa Bgy. Lower Becerril noong nakaraang linggo, na nagdulot ng mga bitak.

Sinabi ni Niere na tinukoy ng pamahalaang bayan na aabot sa 18 pamilya o daan-daang indibiduwal ang inilipat na sa mas ligtas na lugar nitong Biyernes. - Kier Edison C. Belleza