Ni: Celo Lagmay

SA kabila ng mataas na rin namang suweldo ng ating mga guro sa mga paaralang pambayan, hindi pa rin humuhupa -- at lalo pa yatang umiigting -- ang mga panawagan hinggil sa pagpapataas ng sahod. Mismong si Secretary Leonor Briones ng Department of Education (DepEd) ang nagbigay-diin na higit na mataas ang sinusuweldo ng public school teachers kaysa mga titser sa pribadong mga paaralan.

Ito ang dahilan kung bakit laging nag-aatubiling lumipat sa private schools ang naturang mga guro; katunayan, ang mga guro sa private schools ang laging naghahangad na magturo sa mga paaralang pambayan dahil nga sa mataas na sahod at iba pang benepisyo at kaluwagan na inilalaan sa kanila. Ang salary increases sa mga public school ay itinataas taun-taon, tulad ng itinatadhana ng isang batas.

Taliwas naman ito sa paninindigan ng mga non-government organizations (NGOs), tulad ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) at Teachers Dignity Coalition (TDC), na walang tigil sa pagsigaw ng dagdag na sahod para sa mga guro. Bunsod ito ng mga ulat na masyadong mababa ang P4,000 na mandated na take home pay (MTHP) ng mga guro.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Totoong maliit ang nabanggit na MTHP sapagkat ito lamang ang natitira sa sahod ng mga guro pagkatapos awasin ang kanilang mga kontribusyon sa Philhealth, GSIS; kabilang na rito ang salary loans at iba pang inutang na dapat nilang bayaran.

Nakapanlulumong mabatid na may mga guro na nakapag-uuwi lamang ng P180 isang buwan matapos awasin ang lahat ng dapat awasin. Dahil dito, napipilitang humanap ng mga paraan ang mga guro upang matustusan ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya; nagtitinda ng kung anu-ano at namamasukan pagkatapos ng kanilang pagtuturo.

Bagamat hindi tinukoy ng kinauukulang NGOs, nahiwatigan ko na naging batayan ng mga kahilingan sa pagtataas ng sahod ng mga guro at ng iba pang ahensya ng gobyerno ang pahayag ni Pangulong Duterte tungkol sa salary hike ng mga pulis at sundalo. Paulit-ulit na binibigyang-diin ng Pangulo na dodoblehin niya ang suweldo ng lahat ng tauhan ng Armed Forces of the Philippine (AFP) at ng Philippine National Police (PNP). May lohika ang pahayag ng Pangulo, lalo na kung iisipin na ang naturang mga alagad ng batas ang nangangalaga sa ating seguridad. Sila ang nagbubuwis ng dugo at buhay laban sa mga manliligalig, tulad nga ng naganap sa Marawi City na nagpatunay ng kanilang kabayanihan.

Subalit hindi maitatanggi na ang mga guro ay nagpapamalas din ng kagitingan sa kanilang propesyon. Sila ang humuhubog sa kaisipan ng mga kabataan at nagbibigay ng makabuluhang kaalaman sa mga mag-aaral. Sila’y mga bayani rin na tulad ng mga pulis at sundalo na marapat paglaanan ng mga biyaya na nakaukol sa kanila.