Ni: Lyka Manalo
BATANGAS CITY, Batangas – Nakatanggap ng ayudang pinansiyal ang 840 pamilyang nasira ng lindol ang bahay noong Abril, mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), at lokal na pamahalaan ng Batangas City.
Inihayag ni City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) head Rod Dela Roca nitong Huwebes na mahigit P12 milyon ang naipamigay sa 2-day affair sa Plaza Mabini nitong Oktubre.
Sinabi ni Dela Roca na siyam na pamilyang may nasirang bahay ang nakatanggap ng P30,000 bawat isa, habang P10,000 naman para sa mga bahagyang napinsala ang mga bahay.
Karagdagang P1,400 naman ang ipinamigay sa bawat pamilya na mula naman sa pamahalaang lungsod.
Sinabi pa ni Dela Roca na isinusulong ngayon ng CDRRMO ang panukalang relocation site para sa mahigit 700 pamilyang inilikas.