Ni CHITO A. CHAVEZ, at ulat ni Beth Camia
Simula bukas, Nobyembre 5, hanggang sa Nobyembre 16 ay ipagbabawal ang lahat ng uri ng sasakyang pandagat malapit sa Manila Bay bilang bahagi ng pagtiyak sa seguridad para sa 31st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.
Ayon kay Interior and Local Government officer-in-charge Catalino S. Cuy, na chairman din ng Committee on Security, Peace and Order, Emergency Preparedness and Response (CSPOEPR), magtatakda ng No Sail Zone sa karagatang saklaw ng H2O Hotel sa Maynila hanggang sa OKADA Hotel at New Seaside Drive sa Parañaque City.
Sa panahong umiiral ang No Sail Zone, walang kahit isang sasakyang pandagat ang pahihintulutang dumaan sa lugar sa loob ng 12 araw.
“Maximum maritime security is part of our safety preparations to ensure that the short stay of our ASEAN delegates in our country will be as peaceful, safe, and secure as possible,” sabi ni Cuy.
Sinabi rin ni Cuy na ang baybayin mula sa H2O Hotel hanggang sa bukana ng Pasig River ay itatakda namang controlled zone sa nasabing panahon. Paliwanag niya, sa controlled zone ay eeskortan ng mga bangka ng Philippine Coast Guard (PSG) ang lahat ng sasakyang papasok at palabas sa baybayin.
Kabilang ang PCG sa 59,000 tropang ipakakalat ng gobyerno sa mga estratehikong lugar sa Metro Manila at Pampanga bilang bahagi ng seguridad para sa ASEAN Summit.
Kaugnay nito, sinabi ni PCG Spokesman Armand Balilo sa isang panayam sa radyo na ang mga tauhan niyang kagagaling lang sa limang-buwang bakbakan sa Marawi City ang ide-deploy nila sa Manila Bay para sa pagpapairal ng No Sail Zone.