Ni: Orly L. Barcala
Dahil sa tubig-baha ay nadiskubre ng mag-asawang negosyante na ninakawan sila ng dati nilang tauhan sa Valenzuela City kamakalawa.
Sa salaysay ng mag-asawang Edilberto, 52, at Margie Oniego, 43, ng No. 8 Ibaba Street, Barangay Bignay ng nasabing lungsod, kay SPO1 Ronald Tayag, bumaha sa tapat ng kanilang bahay gayong hindi naman malakas ang ulan, bandang 7:30 ng umaga.
Inalam ni Edilberto kung saan nagmula ang tubig hanggang sa nadiskubre niya na sa banyo ng kanilang tindahan, na katabi ng kanilang bahay, ito nagmula.
“Wasak po ‘yung gripo sa banyo at malakas ang bulwak ng tubig na parang inapakan, tapos baha na rin sa lapag ng store namin,” sabi ni Edilberto.
Dito na nadiskubre ng mag-asawa na pinasok sila ng magnanakaw dahil wasak ang cash box ng tindahan, na naglalaman ng P20,000, mga barya na aabot sa P2,000, at mga sigarilyo.
Dahil dito, ni-review ni SPO1 Tayag ang closed-circuit television (CCTV) camera na nakakabit sa tindahan ng mga Oniego at napanood ang pagpasok at pagnanakaw ng dati nilang helper na si Joel Tapiador, 25, ng Lot 7, Block 6, Phase 2A, Northville 1, Bgy. Bignay.
Tatlong buwan naglingkod si Tapiador sa mag-asawang negosyante.
Pagsapit ng 9:30 ng umaga, inaresto ang suspek sa kanyang bahay at sinampahan ng kasong robbery (break-in).