Ni FER TABOY, May ulat ni Nonoy E. Lacson

Pinalaya ng Abu Sayyaf Group (ASG) nitong Huwebes ng gabi ang isang konsehal sa Jolo, Sulu makaraan ang 35 araw na pagkakabihag ng mga bandido rito.

Kinilala ng Sulu Provincial Police Office (SPPO) ang biktimang si Jolo City Councilor Ezzedin Tan, pinsan ni Sulu Gov. Abdulsakur Tan II, na pinala ng Abu Sayyaf bandang 9:15 ng gabi sa Barangay Buroh, Talipao, Sulu.

Sinabi ni Joint Task Force Sulu commander Brig. Gen. Cirilito Sobejana na mismong mga kaanak ni Tan ang sumundo sa kanya sa Bgy. Buroh at iniuwi sa kanilang bahay sa Bgy. San Raymundo sa Jolo.

Probinsya

PCG personnel, kasama sa mga nasawing biktima sa SCTEX road crash; naulila ang 2-anyos na anak

Bagamat may mga ulat na nagbayad ng ransom ang pamilya ng konsehal, tumanggi naman si Sobejana na kumpirmahin ito.

Kaagad na isinailalim ng Joint Task Force Sulu sa medical check-up at debriefing si Tan.

Setyembre 27 nang dinukot si Tan ng Abu Sayyaf habang nagbibisikleta, kasama ang 11 pang siklista, pabalik sa Jolo mula sa Indanan.