Ni: Clemen Bautista

SA larangan ng sining, isang mahalagang araw, lalo na sa mga taga-Angono, Rizal ang ika-4 ng Nobyembre. Sa araw na ito ginugunita ang ika-105 taong kaarawan ng Natioanl Artist na si Carlos Botong Francisco— ang itinuturing na dangal hindi lamang ng mga taga-Angono, kundi ng iniibig nating Pilipinas.

Bilang bahagi ng paggunita ng kanyang kaarawan, tampok ngayong Nobyembre 4 ang pag-aalay ng mga bulaklak sa libingan ni Botong Francisco, sa Angono Catholic cemetery kung saan din nakalibing si Maestro Lucio D. San Pedro na National Artist sa musika. Ang mga mag-aalay ng mga bulaklak ay ang mga mag-aaral at guro sa Angono, mga taga-tanggapan ng Turismo sa Angono at ilang pintor sa Angono. Kasunod ang isang simpleng programa. Kabilang sa nakatakdang maging panauhin ay ang apo ni Botong Francisco na si Totong Francisco, na isa ring pintor, gayundin si Angono, Rizal Mayor Gerry Calderon.

Ang National Artist na si Carlos Botong Francisco ay itinuturing na folksaint ng mga taga-Angono, tagapagtaguyod ng mga proyektong pangkultura at pambayan. Pintor-miyuralist na ang kakayahan at talino sa visual arts ay maipapantay sa kakayahan ng mga alagad ng sining ng ibang bansa. Masasabing si Botong Francisco ay ang nag-iisang bumuhay sa nalimot na sining ng miyural at nagtaguyod nito sa loob ng 30 taon. Sa kanyang mga likhang-sining, ang mga kuwadro ng makasaysayang lumipas ay isinalin niya bilang malinaw na mga tala ng maalamat na katapangan ng mga ninuno ng ating lahi

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Matagal nang yumao si Carlos Botong Francisco ngunit sa Angono, Rizal na kanyang bayang sinilangan, hindi siya nalilimot at iniidolo ng mga kabataang pintor sa Angono at ng kanyang mga kababayan. Hindi maitatanggi, sa kamatayan ng tao, nagwawakas ang kanyang mga nagawa, alaala at buhay-materyal sa daigdig. Ngunit para sa mga taga-Angono, lalo na ang mga nagmamahal at nagmamalasakit sa sining, ang pangalan at mga nagawa ni Botong Francisco ay tulad ng pusong patuloy sa pagtibok. Imortal na mga alaala at pamana. Ang buhay at sining ni Botong Francisco ay kaugnay na ng Angono sapagkat doon siya isinilang at lumaki .Dati siyang mangingisda sa Laguna de Bay. (May isa siyang painting tungkol sa mga mangingisda na may pamagat na “Mga Mamumukot”). Nakasalamuha sa mga lamayan, kasalan, harana, basketball (naging miyembro siya ng isang basketball team sa Angono. Ang Ten Tall Men); kombo, piknik at sa mga kilusang pambayan at pangkultura.

Maging sa fluvial procession o pagoda sa Laguna de Bay sa bahaging sakop ng Angono tuwing pista ni San Clemente at ng Angono kapag sumasapit ang ika-23 ng Nobyembre, si Botong Francisco ay kasama ng kanyang mga kaibigan. Kasalamuha ng kanyang mga kababayan sa pagbibigay-buhay, sigla, kulay pagpapahalaga sa kapistahan ni San Clemente, ang patron saint ng Angono, Rizal.

Katulad ng isang punongkahoy, malalim ang pagkakaugat ni Botong Francisco sa Angono. Naisalin niya sa kanyang mga likhang-sining ang ligaya’t pagsisikap ng mga karaniwang tao nang may nakaiinggit na katangian.